HINDI simpleng kaso ang inihaing petisyong quo warranto ni Solicitor General Jose Calida sa Supreme Court (SC) laban sa ABS-CBN Corporation noong Pebrero 10, kaya hindi agad ibinasura ng mga mahistrado ang petisyong nagpapawalang bisa sa prangkisa ng nasabing numero unong broadcast company sa bansa.
Ayon kina Rep. Rufus Rodriguez at Rep. Edcel Lagman, mahuhusay na abogadong kasapi ng mababang kapulungan ng Kongreso na pabor sa pagbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN, mali ang petisyong quo warranto ni Calida dahil hindi “trier of facts” ang SC.
Maraming abogado ang sumang-ayon dito, sapagkat sa matagal na panahon ay ganito ang kanilang paniwala at depinisyon sa mataas na korte.
Kahit si Nilo Divina, dekano ng University of Sto. Tomas Faculty of Civil Law o UST Law, ay naniniwalang maling benyu ang Korte Suprema, sapagkat hindi rito pinag-uusapan, nililitis at tinatalakay ang mga datos ng kaso.
Ang paksa sa SC ay pagkakaugnay ng isang batas sa Saligang Batas o ang tinatawag na “constitutionality.”
Ngunit, idiniin ni Divina na aabangan at hihintayin niya ang desisyon ng Korte Suprema.
Hindi kailanman, binabalewala ng mga abogado ang desisyon ng SC, sapagkat ang desisyon nito sa mga kaso ay nagsisilbing “jurisprudence” na isa sa mga nagiging batayang legal sa pag-iisip at pagpapasya ng mga abogado at hukom sa kakaharapin nilang mga kaso sa mga susunod na buwan at taon.
Sa petisyong quo warranto ni Calida, idinetalye ng mga abogado ng Office of the Solicitor General (OSG) ang umano’y mga krimeng nagawa ng ABS-CBN habang ginagamit ang pribilehiyong ibinigay sa 25-taong prangkisa ng Kongreso noong Marso 30,1995.
Mayo 4 mapapaso ang prangkisa ng ABC-CBN.
Partikular na isyung idiniin at pinalawig ng OSG ay ang laki ng pag-aari ng mga dayuhang negosyante sa ABS-CBN, gamit ang Philippine Depository Receipt (PDR).
Ang PDR ay pampinansiyang instrumento na ibinibenta ng mga kumpanya sa mga dayuhang negosyante upang magkaroon ng parte na pagkakakitaan nila sa kumpanyang 100 porsiyentong Filipino nang hindi nilalabag ang probisyon ng Konstitusyong 1987 ukol sa 40 porsiyentong limitasyon ng “foreign ownership.”
Iginiit ni SG Calida na “With the ploy being employed by ABS-CBN Corporation in acquiring several interests in corporations that hold legislative franchises in broadcasting as well as telecommunication services, the government is being hoodwinked as it is made to believe that the finite and limited spectrum had been allocated to those that are worthy to be accorded the privilege, when in truth it is only being utilized by one corporation, ABS-CBN.”
Tinumbok din ni Calida na ang paggamit ng ABS-CBN ng PDR ay “criminal liability is also imposed on those who violate foreign equity restrictions and evade nationalization laws of the Philippines through various modes of proxy arrangement, making it appear as legal, but the entirety of the arrangement is to accomplish a transaction not allowed under Philippine laws.”
Estratehikong usaping legal ang PDR, sapagkat dito tinamaan ang Rappler.
Nakita ng Securities and Exchange Commission (SEC) na mayroong nilabag na batas ang Rappler nang mag-isyu ito ng napakaraming PDR sa isang dayuhang kumpanya. NELSON S. BADILLA
