Sa QC shootout PDEA ASSET TAUHAN NG DRUG DEALER?

NATUMBOK sa isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) noong Pebrero 24 sa Quezon City, na isang “James Tan” ang target sa nakaiskedyul na drug bust.

Lumabas din sa imbestigasyon mula sa salaysay ng isang “Donaite Decena” na manggagaling ang methamphetamine hydrochloride, o shabu kay Tan na makukumpiska ng mga tauhan ng QCPD-District Special Operations Unit (DSOU), sa pamamagitan ng tauhan ni Tan.

Si Decena ay “QCPD-DSOU asset”. Ngunit nabisto na si Decena ay bilanggo pala ng QCPD. Si Decena ay nahaharap sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Nasipat ito sa imbestigasyon ng NBI. Ayon sa kanya, humingi raw ng tulong ang QCPD upang maglunsad ng buy-bust operation laban kay Tan.

Sinabi ni Decena sa NBI na ang napagkasunduan ng QCPD, sa pamamagitan niya, at sa pangkat ni Tan, sa pamamagitan naman ng “tauhan” ng huli, na sa Litex Quezon City isasagawa ang “bilihan” ng shabu.

Ngunit inihayag ni Decena sa NBI, na sinabi sa kanya ng tauhan ni Tan na nasiraan ang sasakyan nito, dahilan upang ilipat sa parking area ng McDonald’s (tabi ng mall) sa Commonwealth Avenue, Quezon City ang bilihan ng shabu. Kaya sa naturang lugar na isasagawa ang buy-bust.

Tugma ang mga pahayag ni Decena sa NBI doon sa nakita sa CCTV footages na ipinasa umano sa NBI.

Nakita sa CCTV footages si Decena, mga tauhan ni Tan, si Corporal Elvin Garado ng QCPD-DSOU at iba pang tao na mga nakasibilyan na pare-parehong malapit sa kotseng puti na ipinarada sa isang bahagi ng McDonald’s parking area.

Ilang ulit na ring naipalabas sa mga news program ng mga telebisyon ang nasabing kuha sa CCTV.

Natukoy sa CCTV footages na si Decena ang babaeng naglalakad na may dalang bag.

Si Decena ang tinukoy na QCPD asset na naglalakad kasunod ni Garado.

Ang laman ng bag ni Decena ay perang gagamitin sa buy -bust.

Natumbok din sa CCTV na si Garado ang lalaking lumapit sa lalaking nakatayo sa bukas na pintuan ng puting kotse.

Ang lalaking nilapitan ni Garado ay siyang tauhan umano ni James Tan.

Nabanggit ni Decena sa kanyang salaysay na naunang lumarga si Garado sa paglapit sa kotse kung saan hindi lamang ang kinatawan ni Tan ang nasa paligid ng kotse, kundi marami sila.

Ani Decena, “Pagtapat ko du’n sa nakatayong nakaitim [na lalaki], nadinig ko [na] sinabi niya na pulis ito”.

Doon na nagsimula ang barilan, dugtong ng QCPD asset.

Ang tinutukoy na taong nagsabing “pulis ito” ay si Untong Matalnas na siyang kausap ni Decena.

Inamin ng PDEA na asset nila si Matalnas. Ang tinukoy na “pulis ito” ay si Garado. Namatay si Garado sa nasunog na buy-bust. Namatay rin si Matalnas. Apat lahat ang naibalitang natodas sa engkwentro.

Matatandaang binanggit ng QCPD na “lehitimong” buy-bust operation ang isinasagawa nila noong Pebrero 24.

Nagpakita sa media ng mga dokumento ang QCPD upang patotohanan ang kanilang pahayag.

Binanggit naman ng PDEA na mayroon silang lehitimong “sell-bust” operation sa parehong araw.

Sa mga sumunod na pahayag ni Major General Vicente Danao Jr., direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na “there is no such thing as sell-bust. Kaya ito ang iimbestigahan namin”.

Hindi pa tapos ang imbestigasyon ng NBI dahil marami pang binubusisi ang mga may hawak ng kaso.

Nagsimulang ipahawak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaso ng QCPD-PDEA gun battle na ikinamatay ng apat na mga tauhan ng QCPD at PDEA, nang solo sa NBI noong Pebrero 26 makaraang mayroon kanya-kanyang bersyon sina Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Debold Sinas at PDEA Director General Wilkins Villanueva.

Pinigilan naman ni Duterte ang magkahiwalay na imbestigasyon ng Senado at Kamara de Representantes. (NELSON S. BADILLA)

280

Related posts

Leave a Comment