MULING ipatatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) cybercrime unit si Presidential Legislative Liason Office (PLLO) Assitant Atty. Jacinto “Jing” Paras matapos nitong hindi siputin ang unang summon.
Ito ay dahil umano sa pagpapalipad nito ng drone na hinihinalang paniniktik sa bahay ni Quezon Congresswoman Helen Tan.
Nauna rito, pinadalhan ng subpoena ng NBI cybercrime unit si Paras ngunit hindi ito dumating kaya muling itinakda ang ikalawang paghaharap nila ng kampo ni Tan sa Pebrero 22.
Ayon kay Atty. Donn Rico Kapunan, abogado ni Tan, base sa certification na inisyu sa kanila ang Department of Trade and Industry (DTI), nakarehistro kay Paras ang Soveriegn News Publishing na may tanggapan sa Makati City.
Ang Sovereign.ph ang siyang nag-upload sa social media ng video sa pamamagitan ng drone ng bahay ni Tan at kanyang asawa na si DPWH Regional Director Ronnel Tan kung saan pinapakita ang kabuuan ng bahay at ari-arian ng mag-asawa sa Gumaca, Quezon.
Ito rin umano ang bumabatikos at nagbabato ng kung ano-anong isyu ng katiwalian sa mga Tan.
Dahil dito kaya naghain ng reklamo sa NBI si Tan.
Si Paras ay dating kinatawan ng Negros Oriental at naging kontrobersyal sa pagkakasangkot sa iba’t ibang isyu kabilang ang umano’y P2M bribery para ma-delay ang congressional hearing na kanyang pinangunahan.
Gayundin ang pagkuha sa Iphone X ni dating Cong. Tom Villarin na nakunan ng CCTV footage sa isang pagdinig sa Kongreso. Itinanggi naman ng dating kongresista ang mga akusasyon.
Tinawag din na “cobra” ni Labor Secretary Silvestre Bello III si Paras dahil sa umano’y paninira sa kanya kay Pangulong Duterte ng mga alegasyong korapsyon.
Bunsod dito kaya nilipat ng pangulo si Paras sa PLLO sa Kamara. (ABBY MENDOZA)
186
