PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
NAKU ha, nanggigipit na ang mga alagad ng kulelat sa survey at ayaw nang pabalikin sa City Hall ng Maynila.
Noong Enero 20, may pinalabas na memorandum si Atty. Veronica N. Lladoc, city legal officer — na tinutukoy ang mga administrator ng lahat ng mall at lugar na pwedeng pagdausan ng mga miting, aktibidad sa loob ng siyudad ng Maynila.
Kailangan bago maidaos ang anomang events, miting at katulad na gawain, kailangan muna –” SHALL secure a SPECIAL PERMIT from the Office of the City Legal Officer pursuant to Executive Order No. 12 Series of 2022, three days prior to the conduct of any activities thereat.”
Bago idaos ang aktibidad, kailangan na ipakita sa mall administrator ang “approved Special Permit before the activity is allowed to proceed.”
‘Pag nilabag ang memo ng City Legal Officer, may multang babayaran at aksyon na maaaring ipataw ng city government.
Teka, doctor of laws yata si Atty. Lladoc at tiyak alam niya ang sinasabi ng Art. III. Section 4 ng 1987 Philippine Constitution, ito ang sinasabi: ” xxx no law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press.”
Kasama sa karapatang ito ang freedom of assembly o ang magtipon-tipon, at ang karapatang ito, hindi lubos o absolute, lalo na kung ang intensyon ay rebellion, terorismo at iba pang ibinabawal ng batas.
Pero kung ang pagtitipon ay tungkol sa karaingan ng mamamayan o magpanukala sa mga lider ng nais ng taumbayan at iba pang miting sa paraang mapayapa, hindi ito dapat na pigilan, ipagbawal o higpitan ang pagpapatupad lalo na kung ang layunin ay gipitin at pagkaitan ang kaaway sa kilusan o sa politika.
Alam ito ng city legal officer kaya may malalim na dahilan ang utos niya na ito — na sa unang pagbasa, iisiping tama naman at legal.
Pero ang motibo ay kitang-kita ngayon na umiinit ang politika sa Maynila, at ang katotohanan na ang boss ni Atty. Lladoc ay kulelat sa mga survey at nagpapakita na sobrang hina ng suporta ng mga botante at ngayon, kulang na lang ang eleksyon upang ang boss niya ay tulungang mag-evacuate sa opisina nito sa city hall.
Noong gumamit ng mall spaces ang Comelec sa filing ng candidacy ng mga politiko sa Maynila, kumuha ba ng permit ang ahensya sa Office ng City Legal Officer.
E, ngayon, na ginagamit ng Yorme’s Choice ni dating Yorme Isko Moreno at katiket na si Chi Atienza — anak ni dating Congressman at Manila City Mayor Lito Atienza, ang mga sinehan, mall at katulad na lugar, bigla, kailangan ng permit!
Alam ni Atty. Lladoc na bawal ang utos niya, pero bakit siya naglabas ng gayong panggigipit sa tropa nina Yorme Isko?
Tiyak kung ang gagamit ay ang boss Mayora Honey Lacuna niya at mga katropa, malaya, walang pipigil at hindi na kailangan ang special permit.
Pero ‘pag kalaban, kailangan ay humingi muna ng permit — na pwedeng payagan o PIGILAN at ito ay kontra, labag sa tadhana ng Saligang Batas.
Kahit alam ng city legal officer na BAWAL iyon, pikit-mata, kahit nilalabag ang Konstitusyon, kailangan na gawin, kasi magagalit si Doktora Lacuna, totoo ba ito?
Imbes na makahikayat ng susuporta kay Lacuna ang utos ng kanyang legal officer, lalong magagalit ang mga Batang Maynila, kasi kita ang paniniil, harassment at panggigipit na ito sa malayang pagtitipon, malayang pagpapahayag at malayang talakayang may kinalaman sa isyung bayan.
Sa ginawang ito ng city legal officer, siya mismo ang nagpako sa kabaong ng kamatayan ng ambisyong pulitikal ni Mayora Honey.
Sa Mayo 12, 2025, ililibing ng mga botanteng Manilenyo ang kabaong ng mga huling araw ng alkalde sa Manila City Hall.
Our condolences in advance!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.
3