Sa Tondo, Manila PASAWAY DUMAGSA SA LANSANGAN

BAGAMA’T mahigpit na ipinagbabawal na lumabas ang mga may edad na 21 pababa, marami pa ring mga kabataan ang nagkalat sa mga lansangan katulad ng mga nagpapalipad ng saranggola, sa tatlong barangay sa Tondo, Manila.

Hindi na sinasaway ng barangay officials ng Barangay 221, 227 at 228, Sona 21 sa ika-2 distrito ng Tondo, ang pasaway na mga kabataan.

Ultimo mga bata na may edad walo hanggang 12-anyos, mapalalaki man o babae ay animo’y parang mga ibon na nakawala sa hawla.

Kahit wala umanong suot na facemask ang mga kabataan ay kinukunsinti ng kanilang mga magulang.

Ilang nagmamalasakit na concern citizen ang nakapuna sa tambay na mga kabataan sa tatlong barangay at nangambang mahawaan ang mga ito ng lumalaganap na coronavirus.

Magmula nang ideklara ang GCQ sa Metro Manila, wala nang nagbabantay na mga barangay tanod sa bawat lugar na kanilang nasasakupan.

Maging ang mga pulis na nakasasakop dito ay hindi na nagpapatrol dahil ang katuwiran ng iba’y ang barangay ang dapat mangasiwa rito.

Mula alas-3:00 hanggang alas-5:30 ng hapon, nakahubad at walang facemask ang ilang kabataan habang nagpapalidad ng mga saranggola sa pangunahing mga kalsada.

Dahil dito, ipinaaabot nila kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang kanilang hinaing at hiniling na agad aksyunan ang nasabing problema sa tatlong barangay. (RENE CRISOSTOMO)

216

Related posts

Leave a Comment