Sa usapin ng buwis sa premyo ni Hidilyn ROQUE BINUWELTAHAN SI DRILON

NIRESBAKAN ni Presidential spokesperson Harry Roque si Senador Franklin Drilon na tila ipinamukha sa kanya na hindi na kailangang magpasa ng batas ang Kongreso para ma-exempt sa buwis ang milyon-milyong pisong premyo ni Olympic Gold Medalist Hidilyn Diaz.

Nauna kasing sinabi ni Sec. Roque na kailangan ng batas para hindi mapatawan ng income tax ang mga premyo ni Hidilyn.

Aniya, sa kabila na binanggit ni Drilon ang Republic Act 10699, o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act, na nilagdaan upang maging ganap na batas noong 2015, mayroon pa rin aniyang donor’s tax, na kailangang sagutin o balikatin ng nagmagandang loob na indibidwal o entity.

Ang donasyon na ibinigay sa mga atleta ay “excluded” mula sa computation ng gross income ng atleta sa ilalim ng Tax Code.

“This, however, presupposes that the donors have already paid the donor’s tax,” ayon kay Sec. Roque.

“The donor tax rate, which incidentally was lowered with the signing of the TRAIN Law to 6% in excess of Php250,000,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Dahil dito, pinasalamatan ni Sec. Roque ang Bureau of Internal Revenue para sa paglilinaw sa nasabing usapin.

Kaya ang payo ni Sec. Roque kay Drilon ay mangyaring ipagpatuloy na lamang na magpakita ng taos-pusong pasasalamat at suporta sa mga atleta.

“Let us therefore continue to show our heartfelt gratitude and support to all Filipino athletes who tirelessly work and train hard to bring honor and glory to the country. We pray for their continued success,” ani Sec. Roque.

Sa ulat, sinabi ni Drilon na nakasaad sa Republic Act 10699 na ipinasa noong Aquino administration na ang lahat ng prizes at awards sa mga atleta ay exempted sa income tax.

Tinukoy ni Drilon na nagsalita na rin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kontra sa pahayag ni Roque.

Si Hidilyn ay nakatakdang tumanggap ng 10 milyong piso mula sa gobyerno bilang insentibo sa pagsungkit niya ng gold medal sa Tokyo Olympics habang milyon-milyong piso rin ang inaasahang matatanggap niya mula sa mga nasa pribadong sektor. (CHRISTIAN DALE)

294

Related posts

Leave a Comment