IPINAGMALAKI ng National Task Force against COVID-19 kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang sinasabing “milestone” na naabot ng gobyerno sa usapin ng pagbabakuna.
Sa naging pag-uulat ni Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon kay Pangulong Duterte, sinabi nito na “it’s really a testament po to the hard work of our mayors, of the national government, and also the private sector na naabot po natin itong mga milestones na ito.”
Sinabi pa ni Dizon na daig pa nga ng ilang mga siyudad dito sa bansa ang ilang malalaking siyudad sa Amerika tulad ng Los Angeles, New York at pati na rin ang London sa United Kingdom.
Sa katunayan ayon kay Dizon, sa Cebu ay nasa 87.45 % ang mga nabigyan ng bakuna, 85.38% sa Davao City at kung pag- uusapan ay regional level, sobra sa 100% ang naitala sa National Capital Region.
“Dahil alam naman po natin, Mayor, na marami pong mga taga-probinsiya ang nagpupunta sa Metro Manila para magtrabaho. So binakunahan din po ng NCR ‘yung mga residente ng ibang probinsiya kaya po lumalagpas siya ng ganyan,” anito.
Gayunpaman, kailangan pa rin aniyang kumbinsihin ang marami para naman makatanggap ng booster dose. (CHRISTIAN DALE)
