Ni ANGEL F. JOSE
HINDI pa man nag-iinit sa pwesto, pinatunayan ng bagong pamunuan ng Bureau of Customs (BOC), na tapos na ang panahon ng pamamayagpag ng mga tinaguriang “sacred cows” sa pinamumunuang ahensya ng gobyerno.
Babala ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, wala rin sasantuhin ang inilatag na reporma sa kawanihan sa hangaring ibangon ang reputasyon ng ahensyang higit na kilala sa larangan ng katiwalian.
Katunayan aniya, anim agad ang nasampolan bilang pambungad bunsod ng kontrobersiya hinggil sa malawakang agri-smuggling sa bansa.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na ang relief order na inilabas laban sa anim na opisyal ng BOC ay naglalayong tiyakin lamang na hindi magagamit ang kani-kanilang pwesto hangga’t hindi pa lumalabas ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng sugar importation gamit ang mga “recycled permits.”
Petsa Agosto 22 nang pirmahan ni Ruiz ang isang direktibang nag-uutos kina BOC-Subic District Collector Maritess Martin at Deputy Collector Maita Acevedo na bakantehin ang pwesto sa Port of Subic matapos masabat ang MV Bangpakew lulan ang hindi bababa sa 140,000 sako (katumbas ng 7,021 metric tons) ng asukal mula sa bansang Thailand.
Bukod kina Martin at Acevedo, hagip din sa direktiba ni Ruiz sina Giovanni Ferdinand Leynes (deputy collector for operations), Belinda Lim (assessment division chief), Vincent Mark Malasmas (enforcement security service commander) at Justice Roman Geli (customs intelligence and investigation service supervisor).
Ayon kay Ruiz, pansamantalang itinalaga sa kanyang tanggapan ang anim na opisyal hanggang sa matapos ang pagsisiyasat sa “sugar smuggling.”
Samantala, tumanggi naman maglabas ng kanyang panig si Martin.
Sa paunang resulta ng imbestigasyon, lumalabas na paulit-ulit na ginagamit ng Oro Agri-Trade ang sugar importation permit na kalakip ng nasilat na kargamento ibiniyahe ng Ruam Kam Larp Export Co. Ltd. sa tulong ng isang customs broker na nakilala sa pangalang Malou Buerano.
Ayon naman kay Subic Bay Metropolitan Authority administrator Rolen Paulino, mananatiling sa kanilang pag-iingat ang nabulilyasong kargamento hangga’t hindi pa tapos ang imbestigasyon kaugnay ng agr-smuggling.”
Bago pa man inilabas ni Ruiz ang kanyang direktiba kina Martin ang limang iba pang opisyal, nagpahiwatig na ang Palasyo hinggil sa napipintong sibakan sa pwesto.
200