UMAABOT ng P401.73 milyong halaga ng mga sakahan, katumbas ng 20, 568 MT volume ng mga produkto, ang nasira sa 14, 252 ektaryang agricultural areas at umabot sa 16,531 magsasaka ang apektado ng pananalasa ng bagyong Quinta.
Ang bagyong Quinta ay umalis na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) dakong alas-8:00 ng umaga noong Oktubre 27 at kasalukuyang nasa taas na ng West Philippine Sea palabas ng bansa.
Bagama’t umalis na sa bansa ang bagyong Quinta, magdudulot pa rin ito ng katamtaman hanggang matinding pag-ulan sa Western Visayas, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, gayundin sa Calamian, Cuyo at Kalayaan Islands.
Sa kabilang dako, magdudulot din ito ng katamtaman at paminsan-minsang malakas na pag-ulan sa CALABARZON, Davao Region, Cagayan, Isabela, Aurora at Surigao del Sur.
Nakataas ang Tropical Wind Signal no.1 sa Kalayaan group of Islands.
Ang DA Regional Field Offices ay inaalam pa ang mga rehiyon na apektado ng nasabing bagyong nagdaan para malaman ang iba pang nasira at nawalang mga pananim, livestock at fisheries, farm infrastructures at mga gusali para mabigyan ng emergency assistance ang naapektuhang magsasaka at mangingisda. (JOEL O. AMONGO)
182
