SA pagtatapos ng Buwan ng Kababaihan (National Women’s Month) ay binigyan ng pagpupugay at pagkilala ni Rizal, 4th District Congressman Fidel Nograles ang kababaihan ng Montalban, Rizal.
“Ngayong pagtatapos ng Buwan ng Kababaihan, mayroon tayong pagkakataon na bigyang-pugay at kilalanin ang kababaihan sa kanilang mga tagumpay, sakripisyo, at kontribusyon sa lipunan,” anang mambabatas ng Montalban.
Banggit pa niya, sa bawat araw ng buwan ng Marso, siya ay humahakbang palapit sa mas malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa mga kwento, hangarin, at laban ng kababaihan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ang buwan ng Marso ay hindi lamang pagdiriwang ng mga tagumpay ng kababaihan, kundi isang panahon din ng pagtutok at pag-alala sa mga at pagsubok na kanilang hinaharap.
“Sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa kanilang mga pangarap, mga saloobin, at mga adhikain, nagbibigay tayo ng espasyo para sa kanilang mga tinig at karanasan na magkaroon ng tamang pagkilala at pagpapahalaga,” ayon pa kay Nograles.
Sa Montalban, Rizal, isang espesyal na pagdiriwang ang inihanda ni Nograles para sa kababaihan at kanilang mahalagang papel sa kasaysayan at kultura ng nasabing bayan.
Ayon pa sa mambabatas, sa pamamagitan ng tulong-pinansyal para sa mahigit 5,000 kababaihan ng Montalban, hindi lamang niya binibigyang halaga ang kanilang pagiging bahagi ng lipunan kundi ipinapakita rin niya ang kanyang suporta at pagkilala sa kanilang mga ambag at tagumpay.
Ngunit higit sa isang araw na pagdiriwang, patuloy na ipinaglalaban ni Cong. Nograles na bigyang pansin ang mga isyu at hamon na hinaharap ng kababaihan sa pang-araw-araw na buhay.
Mula sa paglaban para sa pantay na karapatan hanggang sa pagtataguyod ng kalusugan at edukasyon, mahalaga ang pagkakaisa at pakikibaka upang matugunan ang pangangailangan at hangarin ng kababaihan.
“Sa bawat pagdiriwang at pagkilala sa Buwan ng Kababaihan, tayo ay nagtutulungan upang bumuo ng isang lipunan kung saan ang lahat ay pantay-pantay at pinahahalagahan ang bawat isa,” aniya pa.
“Sa pamamagitan ng pagtanggap, pagrespeto, at pagtutulungan, patuloy nating pinapalakas ang kapangyarihan at kakayahan ng bawat kababaihan na maging tagapagtatag ng pagbabago at tagapagtaguyod ng katarungan at kabutihan sa ating mundo,” anang batang Kongresista.
Sa panayam ng media kay Nograles, patuloy siyang maghahain ng mga panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso hindi lamang para sa kababaihan kundi sa lahat ng sektor sa lipunan.
Kasabay nito, ipinagmalaki ni Nograles na malapit nang matapos ang pinaghirapan niya na isang level II na Northern Tagalog Regional Hospital (NTRH) na matatagpuan sa Mayon Avenue, Brgy. San Jose Montalban, Rizal.
Anya, hindi na kailangan pang pumunta sa Quezon City o kalapit na mga siyudad sa Metro Manila ang mga pasyente ng Montalban para lang magpagamot ang kanilang mga pasyente.
Ayon pa sa kanya, sa layo ng Montalban papunta sa Quezon City para lang maghanap ng ospital ang kanilang mga pasyente ay namamatay ito bago pa makarating sa pagamutan.
Ngayon baliktad na ang mangyayari, hindi lang mga taga-Montalban ang makikinabang ng NTRH kundi ang mga pasyente mula San Jose Del Monte, Bulacan; Quezon City at Marikina City.
Nasa 80% na aniya ang natatapos sa konstruksyon ng ospital at posibleng tumanggap na ito ng mga pasyente sa lalong madaling panahon.
(JOEL O. AMONGO)
