SALARY STANDARDIZATION ISUSULONG NI ATTY. RODRIGUEZ

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

ISUSULONG ni Atty. Vic Rodriguez sa Senado ang pagkakaroon ng pantay na sahod ng mga manggagawa sa lalawigan at Mega Manila.

Isa ito sa mga layunin ni Atty. Rodriguez sa paglahok sa 2025 midterm election.

Sa programang Ikaw Na Ba ng Super Radyo DZBB, inilutang ng dating Executive Secretary ang pagbuwag sa Regional Wage Board para magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa kita ang lahat ng manggagawa.

“Bilang senador ninyo, nais kong ipanukala ‘yung pagkakaroon ng pagkakapare-parehas ng sahod. ‘Yung wage standardization. Dapat wala nang discrimination or distinction ‘yung sahod nung nagtratrabaho sa Mega Manila laban doon sa probinsya,” ani Atty. Vic.

Aniya, dapat parehas lang ang sahod dahil hindi totoo na mas mura ang buhay sa probinsya.

Inihalimbawa niya sa Iloilo na mas mahal ang presyo ng kuryente kaysa Mega Manila pero mas mababa ang kanilang sinasahod. Kaya naman maraming nasa probinsya ang lumuluwas sa Kamaynilaan at iniiwan ang kanilang pamilya para dito magtrabaho.

Nilinaw rin niya na hindi babawasan ang sahod ng mga nasa Mega Manila kundi ipaparehas ang sahod ng mga nasa lalawigan.

Mawawalan na ng saysay ang Regional Wage Board dahil magiging legislated wage na.

Naniniwala rin si Atty. Rodriguez na malaking bagay ito sa sandaling mangyari sa pagpapaluwag sa Mega Manila dahil hindi na kinakailangan pang lumuwas ang mga nasa probinsya at dito magtrabaho.

Pagdating naman sa usapin sa gobyerno, tila pinayuhan nito ang administrasyong Marcos Jr.

Aniya, “dapat matuto ang gobyerno, itong administrasyon ni Bongbong Marcos ‘yung tinatawag nating austerity. ‘Yung discipline, belt-tightening, eh hindi tayo puwedeng utang nang utang.

Muli rin niyang binanggit ang planong pagpapababa ng threshold ng plunder mula sa kasalukuyang P50 million ay gawing P5 million o mababa pa.

“At ‘pag ‘yan ay naibalik natin ipapanukala kong maibalik ‘yung death penalty bilang kaparusahan sa plunder,” giit pa nito upang mawala ang korupsyon sa bansa.

1

Related posts

Leave a Comment