(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
PINUNA ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang iregularidad sa ipinasang national budget para sa taong 2025.
Ayon sa dating lider, ang pagpapasa ng National Budget nang halos “blangko” ang ilang bahagi ay ‘invalid’ at hindi dapat ipinasa simula pa lamang sa deliberasyon ng Kongreso.
Aniya, dapat sana’y pinag-aralan ito at itinama ng Kamara dahil ito ay hindi naaayon sa batas.
“For sure sa exact standard ng ating batas, lalo na money appropriations must appear true and correct value what would be application for public money. Pagka gano’n there’s something terribly wrong,” ani Duterte sa “Basta Dabawenyo” nitong Sabado, Enero 18.
Marapat lamang aniya na humingi ng paliwanag ang Kamara kung bakit dumating ang budget sa kanilang opisina na halos “blangko” dahil may kapangyarihan naman itong kwestyunin at pagpaliwanagin ang bumuo ng naturang budget.
“As a matter of fact, kung may mga blangko ‘yan lumusot, that is not a valid legislation. Kung sa batas na ‘yan, lumabas na ‘yan ng blangko-blangko, either it could be filled up before or after,” wika niya.
Nauna nang pinaalalahanan ni Duterte ang publiko na lahat ng tungkol sa budget para sa taong 2025 ay dapat naipapaliwanag nang maayos sa kanila at malinaw kung ano ang paggagamitan ng mga ito.
Para sa dating pangulo, isang uri ng anomalya at paglabag sa batas kapag may ilang bahagi ng budget na walang laman o pupunan na lamang kinalaunan.
Noong Disyembre 30, 2024 nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang panukalang P6.352-trillion national budget para sa 2025
Sa naging talumpati ng Pangulo, sinabi nito na direkta niyang bineto (veto) ang mahigit sa P194 bilyong halaga ng line items na hindi ‘consistent’ sa program priorities ng administrasyon. Kabilang na rito ang unprogrammed items ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nauna nang sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang posibilidad na maaaring tuluyang i-veto ni PBBM ang ilan sa mga probisyong nakasaad sa 2025 national budget, ”in the interest of public welfare, to conform with the fiscal program, and in compliance with laws.”
Gayunman, nanatili ang “zero subsidy” ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa 2025.
Kamara Tameme
Samantala, tahimik pa ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pinuna nina dating Pangulong Duterte at Davao Rep. Isidro Ungab na ‘anomalya’ sa 2025 national budget na nagkakahalaga ng P6.3 trillion.
Habang isinusulat ito ay hindi pa sumasagot ang mga mambabatas sa Kamara nang hingan ng mga mamamahayag ng reaksyon ukol sa nilalaman ng Bicameral Conference committee report hinggil sa 2025 national budget.
Ayon kay Ungab, natuklasan nila na may mga proyekto sa 2025 national budget partikular na sa Department of Agriculture (DA) at mga unprogrammed items ang walang inilagay na halaga kung magkano ang gagastusin dito.
“These are not, I would say, ordinary figures, because these figures are billions of pesos… Madaming pages yung ganito… Ang ibig sabihin merong discrepancy, so paano nagkadiscrepancy?,” tanong ni Ungab sa isang panayam.
Sinabi naman ni Duterte na kailangang i-recall ang pambansang pondo para itama ito dahil kung hindi ay mananawagan siya sa sambayanang Pilipino na huwag magbayad ng buwis hangga’t hindi itinatama ang pambansang pondo.
“That is not allowed by law. I would like to remind Congress, mali po ‘yan…Please correct it, or recall the budget and demand an explanation kung bakit dumating sa inyo yan ng ganoon kablanko.
Parang binigyan ka ng blanking cheke diyan at bahala na kayo ano ilagay ninyo,” paliwanag pa ng dating pangulo.
Ang Bicam na binubuo ng mga contingent mula sa Senado at Kamara ay itinuturing na “third congress” dahil iilan lamang ang nag-uusap sa komite at karaniwang binabago ang pinagtibay sa dalawang kapulungan. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)
