SALISI TIMBOG, MISIS NAKATAKAS

ARESTADO sa mga barangay tanod ang isang lalaki habang pinaghahanap ang misis nito makaraang looban ang isang bahay noong Martes ng gabi sa Tondo, Manila.

Nahaharap sa kasong theft ang suspek na kinilalang si Jackie Sindol Molina ng Laon Nasa St., Tondo.

Habang naglunsad ng manhunt operation ang mga awtoridad upang madakip ang misis ni Molina.

Batay sa ulat na nakarating kay P/Lt. Col. Harry Lorenzo III, commander ng Manila Police District – Jose Abad Santos Police Station 7, bandang 10:00 ng gabi nang mamataan ang isang lalaki sa Batangas St., sakop ng Brgy. 221, Zone 21 makaraang looban umano ang isang bahay sa F. Yuseco St., sa Tondo.

Nang suriin ang CCTV sa lugar, nakilala ang mag-asawa habang bitbit ang bag na umano’y ninakaw ng mga ito sa niloobang bahay.

Bunsod nito, agad inaresto nina Edgardo Pielago, barangay tanod, at Christopher Dela Cruz, barangay kagawad, si Molina.

Nang dalhin sa barangay hall, positibong kinilala ng may-ari ng bahay na si Rosalinda Alimorong ang suspek na siyang kumuha ng kanyang handbag na naglalaman ng mga dokumento at cash money.

Salaysay ni Alimarong, bandang alas-8:00 ng gabi nang looban ni Molina at nang misis nito ang kanyang bahay sa F. Yuseco St. sa Tondo. (RENE CRISOSTOMO)

177

Related posts

Leave a Comment