SALPUKAN NA!

KAHAPON nasaksihan ang pagsipa ng legal na kampanya. Kung tutuusin, matagal nang nangangampanya ang mga magkakatunggali sa pulitika. Kanya-kanyang ikot, gimik at batuhan ng putik.

Sa opisyal na pagpasok ng panahon ng kampanya, asahan ang mas ­matinding bakbakang makikita sa social media at sa mga lansangan, kesehoda ang babala ng Commission on Elections (Comelec) sa mga pwede at ‘di pwedeng isagawa sa pangangampanya.

Mandato ng Comelec ang tiyakin ang isang tapat, maayos at malinis na halalan, bagay na higit na kailangang tutukan at panindigan. Malaking bentahe man ang mga paalala’t babala, mas angkop na lakipan ng gawa ang kanilang bawat salita.

Problema nga lang kung paano isasakatuparan ang kanilang tungkulin sa gitna ng limitado ang pondong tinap­yasan ng Kongreso.

Kamakailan lang, inilatag ng Comelec ang mga aktibidades na hindi pahihintulutan sa pagtuntong ng kampanya – ang labis-labis na paggastos ng mga kandidato, mga pagbabawal tulad ng pagbabahay-bahay, pamamahagi ng ayuda, pagbili ng boto at iba pang nakagawian na sa tuwing sasapit ang panahon ng halalan.

Isa sa pinakamabigat na hamon sa komisyon ang pagbabantay sa paggasta ng mga pulitiko.

Gayundin ang pagbabahay-bahay na ‘di naman kayang tutukan ng Comelec na ang tanging inaasahan ay ang botanteng maglalakas-loob na magsumbong sa kanilang tanggapan, ­kalakip ng mga patunay tulad ng video at iba pang dokumento.

Paano nga ba pipigilan ng Comelec ang pamimigay ng ayuda sa hanay ng mga taong kumakalam ang sikmura?

Maging ang bilihan ng boto, tila imposibleng matunton lalo pa’t maraming paraan ang ganung estratehiya.

At ang social media? Hindi saklaw ‘yan ng Comelec.

Ang totoo, batid ng Comelec ang kalakaran sa tuwing sasapit ang halalan. Kabi-kabilang siraan ng mga magkakalaban, pera-perang intindihan, sistematikong dayaan, walang pakundangang paglabag sa mga patakaran at karahasan.

Pero hindi sapat na alam lang nila. Dapat manindigan ang Comelec.

177

Related posts

Leave a Comment