BINUBUSISI ng mga tauhan ng Scene of the Crimes Operatives (SOCO) ang natagpuang bangkay ng isang hindi kilalang lalaki upang mabatid kung mula sa tama ng bala ang sugat nito, makaraang iluwa ng Manila Bay sa Pier 13 sa Port Area, Manila, nitong Martes ng gabi.
May dalawang sugat sa dibdib ng biktimang inilarawang may edad 30 hanggang 40, may taas na 5’7, may tattoo sa kanang braso na “Wagner”, larawan ng isang lalaki na may nakasulat na “superior”, nakasuot ng itim na t-shirt, maong shortpants at nakatali ng packaging tape ang paa’t kamay.
Batay sa ulat ni Det. Bernardo Cayabyab ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 6:00 ng gabi nang matagpuang palutang-lutang ang biktima ng ilang tambay sa lugar kaya agad nila itong ipinagbigay-alam sa nagpapatrulyang mga tauhan ng Philipine Coast Guard (PCG) para maiahon.
Namamaga na umano ang katawan ng biktima at halos hindi na makilala dahil nagsisinula nang humiwalay ang balat sa katawan.
Hinala ng pulisya, pinatay muna bago itinapon sa Manila Bay ang biktima dahil wala ni isa man sa mga residente sa lugar ang nakakikilala rito.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang krimen at ang pagkakakilanlan ng biktima na dinala sa Cruz Funeral Homes para sa kaukulang awtopsiya. (RENE CRISOSTOMO)
189
