Nahirapan akong makabuo ng artikulo ngayon, marahil pagod ang katawan at isip dahil sa napakasiksik na pagkakasunod ng mga aktibidades dito sa ibayong-dagat.
Ngunit hayaan ninyo lang akong ilahad ang mga natural na dumadaloy sa utak ko ngayon—walang pagtatangka na iorganisa o bigyan ito ng istruktura. Ika nga sa isang teorya sa aking disiplina, hayaang tumakbo lang ang aking “stream of consciousness.”
oOo
Sabi ng marami ng nagdaang pamahalaan sa bansa, bagong bayani ang overseas Filipino workers (OFWs). Sila ang nagsalba at nagsasalba pa rin sa ekonomiya. Siya nga. Sa nakita kong pagtitiis nila, sakripisyo at lungkot na binabata kada araw kumita lamang ng dolyar, bayani na nga silang maituturing. Bagama’t marami kang maririnig na masasayang kuwento, ramdam mo ang hindi sinasabing mga kalungkutan at pasakit.
oOo
May nakikilala ako na kayod-kalabaw ang ginagawa makapagpadala lamang para sa mga pamangkin. Siya rin ang tumustos sa pagpapagamot ng kapatid na nagkakanser na namatay rin sa kalaunan. Pero siya mismo, may nararamdaman, parang may iniindang sakit ang katawan.
Sinamahan niya kaming mamili ng mga food supplement at sabi ng kaibigan ko, bagay sa kanyang nararamdaman ang ilang brand ng food supplement na nasa eskaparate. Nakikinig lang siya, di rin siya bumili. Hindi siguro kasama sa budget niya ang pagbili ng mga supplement. May naramdaman kaming awa. O dapat ba paghanga sa kanyang kahandaang isakripisyo ang para sana sa kanyang sariling kagalingan.
oOo
Sa nakita kong paglimot sa sariling pangangailangan ng isang expat para makapagpadala lamang, may naramdaman din akong parang naghihimagsik na isip at damdamin. Naisip ko ang kabalintunaan minsan ng ating buhay. Kung gaano tinitipid ng maraming OFW ang mga sarili, ay tila ganun naman kawalang pakundangan ang mga nakaupo sa pagbibigay minsan sa kanilang luho, kung hindi naman, ay nasasamahan pa ng pagnanakaw sa pondong malaking bahagdan nito ay galing sa dugo’t pawis ng mga kababayan sa ibang bansa. Mahiya o makonsensya naman sana ang dapat mausig.
oOo
Sana nga mapahalagahan nang ganap ang bawat dolyar na pinaghihirapan ng mga kababayan sa ibayong dagat. Nakita ko mismo kung gaano nila kinukwenta ang bawat dolyar, at kung gaano sobrang maingat sa paggastos. Ibigay din natin ang karampatang pagpapahalaga sa pinaghihirapan nila. Huwag itong waldasin o kurakutin lang ng ganun-ganon. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
