SUMANDAL ang San Juan Knights kay Mike Ayonayon, habang ang Manila ay umakbay kay Carlo Lastimosa para itumba ang kani-kanilang kalaban at dumikit sa North division finals ng Chooks-to-Go MPBL Lakan Season, Biyernes ng gabi sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Binalewala ang mahigpit na depensa ni Travis Thompson, si Ayonayon ay pinasok ang charity lane, umikot at nagpakawala ng off-balanced floater, tumalbog pa ang bola bago tuluyang nalaglag sa basket kasabay ng buzzer, tungo sa 86-84 win ng Knights kontra Pampanga Giant Lanters.
Nagpakawala naman si Lastimosa ng triple mula sa korner, 40.4 seconds at pagkatapos ay humirit ng free throws para iwasiwas ng Manila Stars ang Makati Super Crunch, 77-74.
Ang top-seeded Knights at second-seeded Stars ay kailangan lang muling manalo laban sa Giant Lanterns at Super Crunch sa Marso 4 sa San Andres Sports Complex sa Manila para maisaayos ang title battle.
Bumawi sa scoreless quarterfinal playoffs laban sa Pasay Voyagers, bumawi si Ayonayon sa tiwalang ibinigay sa kanya ni San Juan coach Randy Alcantara, nang siya ang atasan nitong tumira ng importanteng basket sa halip na si main man John Wilson.
“Designed play yun, wala ng oras eh, last shot, so aatakihin ni Mike, pag nag-double kay Mike, kick out kay John. Eh hindi dinouble si Mike, kaya ginawan na ng paraan ni Mike,” lahad ni Alcantara, na umakay sa Knights sa MPBL Datu Cup national title noong nakaraang taon.
Si Wilson ay nagsumite ng game-high 21 points, 16 dito sa second half, may kasamang six rebounds, habang si Jhonard Clarito ay nagdagdag ng 15 points at six boards.
Tumapos si Ayonayon na may 12 points at six rebounds.
Ipinagpatuloy ang kanyang magandang laro mula sa quarterfinals, si Lastimosa ay kumamada ng 25 points, six assists at three rebounds para sa Manila Stars, kasunod si Aris Dionisio na may 12 points at seven boards at si Chris Bitoon ay may 11 points, six assists at five rebounds. (VT ROMANO)
