NAKATANGGAP ng tig-dalawang milyong piso ang mga congressman bilang Christmas bonus kasabay ng pagratipika sa 2026 national budget kahapon.
Isiniwalat ito ni Batangas Rep. Leandro Leviste kasabay ng pagkuwestyon niya sa P10.5 bilyong dagdag na pondo ng Kongreso para sa susunod na taon, kung saan mula sa dating P17.5 bilyon ay tumaas ito sa P27.7 bilyon, na aniya’y hindi dumaan sa public hearing.
Dagdag pa ng mambabatas, buwan-buwan umanong tumatanggap ang bawat kongresista ng humigit-kumulang P1 milyon para sa operasyon ng kanilang tanggapan, bukod pa sa kanilang sahod na mahigit P300,000.
“Ang bonus na ibinibigay at nabalitaan ko na rin po sa iba kong kasamahan ngayong buwan na ito—on top of our P300,000 salary and P1 million budget—ay P2 million Christmas bonus per congressman,” ani Leviste.
Kung susumahin, aabot umano sa P636 milyon ang kabuuang halaga ng bonus para sa 318 kongresista. Kapag isinama pa ang sahod at buwanang office budget ng mga mambabatas, tinatayang lalampas sa P1 bilyon ang kabuuang gastos ng Kongreso para sa buwang ito lamang.
Ayon pa kay Leviste, isinasabay umano ang pagbibigay ng naturang bonus sa panahon ng pag-apruba ng pambansang badyet upang masiguro ang quorum. Posible rin aniyang madagdagan pa ang bonus ng mga mambabatas sa 2026, na isa aniya sa mga dahilan ng malaking dagdag sa budget ng Kamara.
Ibinunyag din ng mambabatas na ang P1 milyong buwanang pondo para sa operasyon ng tanggapan ng bawat kongresista ay hindi na dumaraan sa liquidation, kundi sertipikasyon na lamang ang kinakailangang dokumento.
“Hindi na kailangang magbigay ng resibo. May certification lang na pinapapirma sa iyo na ginamit mo ito para sa transportasyon, communication, o representation. At kung hindi mo ginagamit, pwede mo na itong i-take home,” ayon kay Leviste.
(BERNARD TAGUINOD)
121
