SANDOVAL INISYUHAN NG SCO SA VOTE BUYING

MAAARING maging dahilan ng diskwalipikasyon ni Malabon re-electionist Mayor Jeannie Sandoval kung mabibigo itong magpaliwanag sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng pagkakasangkot sa vote buying.

Si Sandoval ay kabilang sa listahan na pinadalhan ng show cause order ng komisyon na may kaugnayan sa umano’y vote buying.

Batay sa inilabas na dokumento ng Comelec, si Sandoval ay inakusahan ng vote buying matapos gamitin ang social media pages ng lungsod sa kanyang pangangampanya.

Sa social media page ng lungsod, lumalabas na ginamit ito sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Malabon Ahon Blue Card ngayong kasagsagan ng kampanyahan na maituturing na isang panghihikayat na kapalit ng boto na pabor sa namimigay.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9006 (Fair Election Act) at Omnibus Election Code, mahigpit na ipinagbabawal ang anomang pamimigay ng pera, regalo, pagkain o ayuda kapalit ng pagboto at pagsuporta sa isang kandidato.

Nakapaloob din sa batas na maaaring managot hindi lamang ang namimigay kundi maging ang mga tumatanggap ay maaaring patawan ng karagdagang parusa, kabilang ang pagkakakulong at pagkansela ng karapatang bumoto o tumakbo sa eleksyon.

Marami nang inisyuhan ng show cause order ang Comelec sa kanilang mahigpit na pagbabantay upang matiyak ang patas at malinis na eleksyon sa bansa.

Samantala, naharap din ang mag-asawang Ricky Sandoval at Jeannie sa malaking isyu kaugnay ng pamimigay ng mga sertipiko na may larawan nila sa mga recognition at graduation ceremonies na isang malinaw na paglabag sa mga patakaran ng Comelec.

11

Related posts

Leave a Comment