HINDI na naisalba ang buhay ng isang taong gulang na sanggol matapos itong aksidenteng mahulog sa kama habang naglalaro sa kanilang bahay sa Novaliches, Quezon City nitong Biyernes ng hapon.
Sa ulat mula sa tanggapan ni PCAPT. Nick Fontanilla, hepe ng QCPD-homicide section, isinugod sa ospital ang sanggol na si Angela Badiola matapos magsuka at mapansin ng ina ang pangingitim ng balat nito.
Ayon sa ina, alas-5 ng hapon kahapon nang mahulog sa kama ang anak sa kanilang bahay sa No. 26 Mayang Pula Kaliwa Aguardiente, Brgy. Sta. Monica, Novaliches, QC.
Hindi inakala ng ginang na matindi ang pinsala sa anak kaya nagulat pa siya nang magsuka ito at makita na nagkulay violet ang balat nito.
Dito na nagdesisyon ang ginang na dalhin sa Novaliches District Hospital ang anak ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor. TJ DELOS REYES
361 