DALAWANG umano’y miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter ang inaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office – Regional Special Operations Unit (NCRPO-RSOU) nang madiskubre na may dalang mga sangkap sa paggawa ng pampasabog ang mga ito sa kanilang sasakyan sa Paco, Manila, iniulat kahapon.
Bago naaresto ang mga suspek na sina Remedios Habin, 52, ng Block 4, Lot 1-A Duhat St., Daimar Homes, Pamplona, Las Pinas City at Alvin Gabin, 32, driver ni Habin, pinaputukan ng mga operatiba ng RSOU ang gulong ng kanilang Toyota Fortuner (MZQ-697) upang huminto.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Carlo Manuel, naganap ang insidente bandang alas-3:50 ng hapon noong Linggo nang makatanggap ang mga pulis ng impormasyon na may mga taong nais na guluhin ang Traslacion sa Enero 9.
Sinabi naman ng grupo ni Police Captain Jonathan Mostoles, team leader ng RSOU, tinangka nilang parahin ang sasakyan ng dalawang umano’y miyembro ng BIFF sa United Nations Avenue sa Paco subalit hindi ang mga ito huminto kaya’t napilitan silang pagbabarilin ang gulong ng sasakyan.
Nang makitang maraming laman na iba’t ibang klaseng sangkap ng pampasabog ang sasakyan, kaagad dinala ito sa Rizal Park open ground area upang doon i-detonate ang mga gamit subalit dahil may kaganapan sa lugar ay kaagad na ibinalik sa Manila Police District.
Iniimbestigahan naman ang mga suspek kung bakit may dala silang mga sangkap na gamit sa paggawa ng improvised explosive device.
Hinihinalang may kaugnayan ang mga suspek sa mga sangkot sa Marawi Siege. (Rene Crisostomo)
