Sangkot sa aksidente sa Batasan-San Mateo Road TRUCK DRIVER BINAWIAN NG LISENSYA NG LTO

KAAKIBAT ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa pasaway na mga motorista, binawi ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang lisensya ng truck driver na sangkot sa malagim na aksidente sa Quezon City noong Mayo 28.

Ayon kay LTO chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, binawi ang lisensya ng driver matapos itong magpositibo sa mandatory drug test na isinagawa kaugnay ng aksidenteng ikinasawi ng tatlo katao at ikinasugat nang malubha ng ilan pang motorista sa Batasan-San Mateo Road sa Barangay Batasan Hills.

“Bukod sa revocation, tuluyan na ring na-disqualify ang truck driver sa pagkuha ng driver’s license,” ani Asec Mendoza.

“Magsilbi itong babala na hindi kailanman palalampasin ang paggamit ng ilegal na droga o pagmamaneho habang lasing—may katumbas itong mabigat na parusa. Paalala rin ito na ang pagkakaroon ng lisensya ay isang pribilehiyo na maaaring bawiin anomang oras kapag hindi tinupad ang tungkulin ng pagiging responsableng driver,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, batay sa inisyal na ulat, iginiit ng truck driver na nawalan umano ng preno ang kanyang minamaneho habang binabagtas ang Batasan-San Mateo Road noong Mayo 28.

Bunsod nito, nawalan siya ng kontrol sa manibela, dahilan upang sumampa ang trailer sa center island at sinalpok ang ilang sasakyan.

Samantala, negatibo ang resulta ng kanyang alcohol test, subalit positibo naman ang drug test partikular ang paggamit ng shabu.

“Mahigpit ang bilin ng ating DOTr Secretary Vince Dizon na walang second chance sa mga driver na gumagamit ng ilegal na droga, kaya zero tolerance tayo dito,” ani Asec. Mendoza.

Matatandaang noong panahon ng Semana Santa, halos 100 bus drivers at conductors ang binawian din ng lisensya matapos magpositibo sa paggamit ng ilegal na droga.

(PAOLO SANTOS)

106

Related posts

Leave a Comment