NAGSIMULA nang kumilos ang mga itinalagang tracker team ng Philippine National para tuntunin ang kinaroonan ni Sarah Discaya, may-ari ng St. Timothy Construction, at iba pang inaakusahang sangkot sa “ghost” flood control project sa Davao Occidental.
Inihayag kahapon ni PNP chief Jose Melencio Nartatez, Jr., na nakapaloob sa kanilang isinasagawang paghahanda sa inaasahang paglalabas ng arrest warrant laban kina Discaya at iba pang dawit sa multimillion ghost project sa Davao Occidental.
Ayon kay Gen Nartatez, bukod sa tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa iba pang concerned security agencies ng gobyerno ay inalerto rin niya ang kanilang intelligence network para mapaigting ang kanilang paniniktik para agad na matukoy ang mga posibleng pagtaguan ng mga pakay ng ilalabas na warrant of arrest.
“All of our preparations are intended to make them feel that the only option left to them is to surrender,” ani Nartatez.
“We encourage citizens—particularly those with direct knowledge or relevant information—to cooperate with authorities. Transparency and community involvement are vital to ensuring accountability and protecting public resources,” sabi pa ni Nartatez, kaya maging ang mga barangay at mga tanod ay kanila ring inalerto para magmanman at mangalap ng mga impormasyon.
Magugunitang nitong nakalipas na linggo ay nagsampa ng kasong graft at malversation laban kay Discaya, ilang public works officials, at iba pang indibidwal kaugnay sa mahigit P96.5-million halaga ng ghost flood control project sa Davao Occidental.
Ito ay makaraang mag-upload ng video si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. hinggil sa nalalapit na mga pag-arestong magaganap.
Kasunod nito ang pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mahigpit nilang mino-monitor ngayon ang mga suspek na nahaharap sa kasong malversation through falsification at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, kapag naipadala na ang warrant of arrest, agad itong ipatutupad upang dalhin sa korte ang mga sangkot dahil nakahanda na rin umano ang PNP na magsagawa ng warrant execution at tumulong sa pag-iimbestiga.
Hinihikayat din ng PNP ang publiko, lalo na ang may direktang kaalaman sa kaso, na makipagtulungan sa mga awtoridad.
(JESSE KABEL)
14
