LUCENA CITY – Patay ang isang lalaking ay sangkot umano sa ilegal na pagbebenta ng diesel o krudo matapos tambangan ng riding in tandem suspects habang sakay ng kanyang kotse sa lungsod na ito, noong Linggo ng gabi.
Kinilala ng pinatay na si Ferdinand Gerbas Gallioso, 40-anyos, residente ng Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City.
Batay sa report ni P/SSgt. Jeruel Siorez ng Lucena PNP, minamaneho ng biktima ang kanyang puting kotseng Mitsubishi Lancer may plate TJA 631, at tinatahak ang ECO Tourism Road patungo sa direksyon ng Batangas ngunit pagsapit sa Barangay Ibabang Talim ay pinaputukan ito ng mga suspek.
Nasapol ang biktima at nawalan ng kontrol sa sasakyan na nahulog sa palayan sa gilid ng highway.
Pagkaraanay mabilis na tumakas ang mga suspek habang agad namang nalagutan ng hininga ang biktima.
Lumabas sa imbestigasyon, batay sa pahayag ng asawa nito, sangkot umano ang biktima sa ilegal na bentahan ng krudo na sinisipsip mula sa mga truck sa pakikipagsabwatan ng mga driver, at humihimpil sa kahabaan ng Eco Tourism Road.
Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang posibleng motibo sa krimen at kung sino ang mga salarin. (NILOU DEL CARMEN)
230
