SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
NAGLABAS ng paglilinaw ang Santa Rosa Cockers Alliance (SRCA) ukol sa nakanselang derby noong Hulyo 22.
Paliwanag ni SRCA founder Boy Royo, hindi natuloy ang derby dahil natapat ito sa event ng World Pitmasters Cup (WPC).
“[Ginawa ang hakbang] para maipakita natin ang suporta sa championship ng WPC, ayon na rin sa kahilingan ng mga kalahok sa Group E na pumasok sa championship ng [event na iyon],” wika ni Royo.
“Para naman sa mga kasapi sa Set E, dahil gusto natin mapagbigyan na makasali sila sa circuit at hindi mahuli, sila ay hinati habang ang iba ay pinalaban sa Groups C at D. Pagkatapos ng laban ng Groups C at D, ay dedesisyunan ng [Executive Committee] Exe Com kung ang Group D ay may sapat na bilang para ituloy ang kanilang grupo o sila ay isasama sa ibang grupo para sa tamang bilang.”
Sinabi ni Royo na medyo mahirap lang isipin pero sila na raw ang bahala para maayos ito.
“Wala pong magiging magulo sa schedule dahil lahat naman ay pinag-aaralan bago po desisyunan,” pahayag pa ng SRCA official.
Para naman daw sa ikagaganda at ikaaayos ng takbo ng sabong, sa lahat ng pasabong ng samahan (SRCA) ay magpapatupad ito ng ilang mahigpit na patakaran.
Ang handler, assistant handler, sultador o bibitaw ay bawal ang nakasando, naka-short, at nakatsinelas.
Sa mga sentensya [sentensyador], aba’y bilinan o sabihan daw ang inyong sultador o handler na kapag may agam-agam, alinlangan sa naging hatol o sentensya sa inyong manok, mangyari lamang na huwag ibaba ang manok na natalo o tumabla sa ruweda para sa final decision ng ExeCom.
“Kapag ang inyong manok ay naibaba na wala nang reklamo o katanungan, maaari pang tanggapin ng pamunuan at mangangahulugan na ano man ang naging desisyon ay final na,” sabi ni Royo.
Sa panig ng mga mananari o gaffer, magkakaroon ng inspeksyon sa tari bago ikabit sa manok na panlaban at responsibilidad ng inyong mananari na magkusa na isumite sa tagasuri o inspector ang tari bago ikabit sa panlaban manok.
Sinasabing kapag ang tari ay hindi dumaan sa inspeksyon, ito ay pabababain sa ruweda at may penalty o katapat na parusang aabot sa P10,000 na babalikatin ng may-ari ng entry o kaya naman ay paalalahanan ninyo ang inyong mga mananari.
“Ang lahat ng kasapi ay may karapatan na pumuna o magtanong kapag ang mga alituntuning nabanggit ay hindi naipatutupad, ayon sa itinakda,” dagdag pang pahayag ni Royo sa panayam ng “SABONG ON AIR.”
Dahil nga rito, hinihingi ni Royo ang pang-unawa at suporta ng bayang sabungero.
Well, maganda talaga na may mga ganyang patakaran para sa ikagaganda ng ating sabong.
Maraming salamat po at God bless!
248 