ANG tagubilin ng isang senador sa Department of Education (DepEd) na tiyakin ang maayos at tamang pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education sa mga paaralan sa bansa, ay hindi sapat na paraan o hakbang para matugunan ang bullying sa mga paaralan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11476 o ang GMRC and Values Education Act na ipinasa noong 18th Congress, ginawang permanente ang pagtuturo ng GMRC at Values Education sa K to 12 Curriculum.
Ito ay naging ganap na batas noong Hunyo 2020, sa kasagsagan ng pandemya kaya sa pagbabalik ng mga estudyante sa eskwelahan ay may pagkakataon na para sa masinsinang pagpapatupad ng mandato nito na character-building activities.
Ngunit paano makasisiguro na magiging mabuting mamamayan ang mga kabataan dahil sa tiyak na maayos na pagtuturo ng GMRC at Values Education?
Maaaring makatulong ito para matugunan ang pang-aabuso, pang-aasar o pambu-bully, pero nangangailangan ng masusi, detalyado at solidong gabay o deskripsyon kung paano o ano ang maigting o maayos na pagtuturo ng tamang asal sa mga estudyante.
Maraming elemento o salik kaya nagkakaroon ng bully sa eskwelahan. Ang mga dahilan ay binibigyan ng atensyon dahil mawawalan ng saysay ang maayos na pagtuturo kung hindi sinusuri ang repleksyon o resulta nito sa pagkatao at ugali ng estudyante.
Ang pagtuturo ay pagpapaliwanag at panghihikayat, ngunit malaking sangkap nito ang aktuwal na paggabay at superbisyon.
Mahalaga ang GMRC at Values Education sa pagpanday sa magandang ugali ng mga kabataan ngunit hindi dapat ibaling ang sisi sa mga guro sakaling lihis sa mabuting asal ang kilos ng estudyante.
Responsibilidad pa rin ng mga magulang na turuan ng magandang asal ang mga anak.
Ang wastong pag-uugali at pagpapahalaga ay hindi minamana, kundi inaani dahil sa mabuting binhing ipinunla.
Sa ilalim ng batas, pinalitan ng GMRC ang Edukasyon sa Pagpapakatao (ESP) para sa Grade 1 hanggang Grade 6, habang Values Education naman ang itinuturo sa Grade 7 hanggang 10. Mandato rin ang pagsasama ng Values Education sa mga kasalukuyang asignatura na itinuturo sa Grade 11 hanggang Grade 12.
