SARI-SARI STORE OWNER TIKLO SA FAKE VAX CARD

ARESTADO ang isang may-ari ng sari-sari store nang mabuking ang pamemeke at pagbebenta ng COVID-19 vaccination card sa isinagawang operasyon ng Caloocan City Police, ayon sa utos ni Mayor Oscar Malapitan.

Nasakote dakong alas-11:40 am noong Nobyembre 7 sa entrapment operation si Benjamin Marilao, 52, nakatira sa Phase 7, Package 2, Bagong Silang, Caloocan City, nahaharap sa kasong falsification of public documents.

Ayon sa pulisya, dinamba si Marilao matapos mameke at magbenta sa halagang P500 ng fake vaccination card sa isang pulis na nagpanggap na bibili.

Ayon kay Malapitan, hindi niya kailanman kukunsintihin ang ganitong masasamang gawain. Nagbabala rin siya na papatawan ng parusa ang sino mang mahuhuling namemeke o nagbebenta ng vaccination cards.

Kaugnay nito, nakiusap ang alkalde sa mga residente na huwag tangkilikin, bagkus ay kaagad iulat sa mga awtoridad ang mga ganitong ilegal na gawain.

“Mayroon tayong database kung saan naroroon ang records ng mga nabakunahan natin sa Caloocan. Doon ay mache-check natin kung talagang nabakunahan ang isang tao. Bukas naman araw-araw ang ating mga vaccination site. Magpabakuna po tayo upang maproteksyunan ang ating sarili at ang ating komunidad,” ayon sa punong-lungsod. (ALAIN AJERO)

105

Related posts

Leave a Comment