CAVITE – Kritikal at kapwa inoobserbahan ang dalawang sakay ng isang Toyota Veluz makaraang nahulog mula sa tulay sa bayan ng Noveleta sa lalawigan noong Martes ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Divine World Hospital ang biktimang si Omar Magarang y lantod, 38, driver ng maroon na Toyota Veluz na may plakang DBH 8822 at residente ng Brgy. Cabuco, Trece Martires, Cavite at pasahero nito na si Naim Limbona y Antod, 28, ng nasabi ring lugar.
Minamaneho ni Magarang ang kanyang Toyota Veluz at pasahero si Limbona habang binabagtas ang Barangay Sta. Rosa 2, Noveleta, Cavite bandang alas-9:15 ng gabi patungo sa direksyon ng Noveleta.
Ngunit pagsapit sa fly over ng Sta. Rosa nang nawalan ng kontrol sa manibela ang driver at bumangga sa isang bakal na tubo dahilan upang mahulog sa tulay ang sasakyan at nagresulta sa pagkakasugat ng mga biktima.
Nabatid na dahil sa aksidente, natanggal ang gulong ng sasakyan at tumilapon sa ilang kabahayan, ayon sa mga residente.
(SIGFRED ADSUARA)
225 