HINDI muna personal na makakaharap sa pulong kasama ang Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) si Pangulong Rodrigo Duterte, sa halip gagawin muna itong virtual o sa pamamagitan ng video conference.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kailangan kasi na pangalagaan ang kalusugan ni Pangulong Duterte. Kasunod na rin ito ng muling pagpopositibo sa COVID-19 ni Interior Sec. Eduardo Año.
Tiniyak naman ng Malakanyang na maayos ang kalusugan ng Pangulo.
Sa isang pulong sa Davao City noong Agosto 10 ay nagkasama sina Pangulong Duterte at Año.
“Okay po ang Pangulo. Regular po ang kanyang swab test kasi mas maraming swab test masakit ang pagtusok sa ilong pero batid po ng Pangulo na kinakailangan po na pangalagaan ang kanyang buhay,” ayon kay Roque.
Bukod dito, required aniya sa mga papasok ng Davao City batay na rin sa kautusan ni Davao City Mayor Sara Duterte na magpapa-swab test.
“So, the President is fine,” ani Sec. Roque.
Sa kabilang dako, sinabi pa ni Sec. Roque na naka-self isolation siya ng limang araw at magpapa-PCR test.
Iyon ay dahil nakasabay niya sa eroplano si Año.
At kahit kasama at kasabay nila ang Pangulo sa eroplano ay wala naman itong closed contact sa kaninoman sa kanila lalo na kay Año.
Siniguro rin ni Sec. Roque na nakasuot sila ng face mask at face shield.
“Naka-perpetual isolation po si Pangulong Duterte. 6 feet away po kami kay Presidente. Regular po ang kanyang PCR test,” diing pahayag ni Sec. Roque.
Nauna rito, habang nasa kasagsagan ng pag-aaral ang IATF at National Task Force Against COVID-19 para madesisyunan kung palalawigin pa o luluwagan na ang umiiral na quarantine protocol sa Metro Manila ay iniulat na muling tinamaan ng virus si Año.
Sa statement na inilabas ng kalihim, noong Agosto 13 nakaramdam siya ng flu-like symptoms gaya ng sore throat at pananakit ng katawan kaya agad siyang nag-self quarantine at nagpa-swab test noong Biyernes.
Mahigpit na tinututukan ngayon ng mga doktor ang kalihim habang habang naka-isolate ito.
Matatandaang Marso 31, 2020 nang unang tamaan ng COVID-19 ang kalihim at nagnegtibo noong Abril. (CHRISTIAN DALE)
