RAPIDO NI TULFO
NABANAS daw si Department of Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac sa may-ari ng isang cargo forwarding company na lumapit sa kanya matapos ang pagdinig na kanilang dinaluhan sa Kamara.
Ayon sa kuwento ng ating mapagkakatiwalaang source, halos ipagtabuyan daw ng kalihim ng DMW ang naturang may-ari ng cargo forwarding.
Sinabi raw nitong forwarder kay Sec. Cacdac na bilhin na lang sa kanya ang mga hawak niyang balikbayan boxes mula sa Saudi na napalunan niya sa pamamagitan ng auction sa Customs.
Ayon sa ating source, sinabi raw ni Cacdac dito na, “UMALIS KA SA HARAP KO AT AYAW KITANG KAUSAP!”
Ang tinukoy na may-ari ng cargo forwarding ay walang iba kundi si MONALISA TAN o MONA TAN, ang may-ari ng Munique Rapide Transport, na ipinatawag sa Kamara para sa committee hearing hinggil sa isyu ng abandonadong balikbayan boxes.
Nadawit ang kumpanya ni Mona Tan sa isyu matapos na sumali ito sa pinakahuling bidding ng containers na naglalaman ng balikbayan boxes mula sa Saudi Arabia.
Nagtataka raw ang DMW kung bakit na-auction pa ang naturang containers, gayung napagkasunduan na ang lahat ng abandonadong balikbayan boxes na nasa Customs ay ido-donate na sa DMW.
Ayon kay Mona Tan, sumali raw siya sa bidding upang tulungan ang isang kaibigan na mayroong kahon na kasama sa containers na na-auction.
Nagtataka ngayon ang ilang kongresista kung paano nalaman nina Mona ang laman ng containers?
Dati nang inireklamo sa amin si Monalisa Tan na may kinalaman naman sa mga balikbayan box na galing sa UAE na inabandona rin sa Bureau of Customs, na kanyang napanalunan din sa bidding.
At nang makausap ko ito noon ay inamin nito sa akin na napilitan lang daw siyang sumali sa auction, matapos na tawagan ng kanyang kaibigan na isang opisyal sa BOC at pinasali ito.
Dapat ipatawag ng OFW Party-list ang naturang opisyal na ang balita ko ay nalipat na sa ibang opisina ng ahensya.
8