NAGHAHANDA na ang pamahalaan sa pag-roll out ng second anti-COVID booster shot para sa partikular na populasyon sa National Capital Region (NCR) sa darating na Abril 20, 2022.
Sinabi ni Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje na inaasahan nitong magpapalabas ang Health Technology Assessment Council (HTAC) ng guidelines ngayong linggo para sa second booster shot para sa mga lolo’t lola o senior citizens, immunocompromised, at frontline health workers.
“We want to start this on April 20 sana sa NCR muna, but we will have to wait for the HTAC. Kung lumabas ng Monday, ayusin lang natin ‘yung guidelines sa ngayon kung ano ‘yung aaprubahan ng ating Secretary kung ano ‘yung final recommendation,” ayon kay Cabotaje.
Sa ulat, sinabi ng DoH na pinagkalooban ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) para sa second booster shots sa partikular na grupo.
Sinabi ni Cabotaje, nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang stakeholders at medical specialists kaugnay sa karagdagang booster, lalo na para sa immunocompromised.
“We will confer, coordinate sa ating mga ontologists, sa mga may cancer, especially sa ating infectious disease specialists para rin ma-enrich ‘yung ating guidelines and so that other will be confident that our guidelines ay akma sa irere-commend ng mga experts,” dagdag na pahayag nito.
Samantala, sinabi naman ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa na ang ipatutupad na rules and regulations para sa second booster ay maaaring ipalabas ngayong linggo.
“‘Yung hindi makakakuha, may proteksyon pa rin kayo. ‘Wag kayo mag-alala, may proteksyon pa rin kayo dulot nung first booster,” aniya pa rin. (CHRISTIAN DALE)
84