(BERNARD TAGUINOD)
MAGIGING bahagi ng mga imbestigasyong isasagawa kaugnay ng madugong engkwentro ng mga tauhan ng Quezon City Police District at ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakalawa ang anggulong ‘sell-bust’ at ang posibilidad na ‘ninja’ o otoridad na sangkot sa droga ang totoong target sa operasyon.
Bukod dito, nabatid ng SAKSI Ngayon mula sa isang source na humiling na huwag siyang pangalanan dahil wala siya sa posisyong magsalita kaugnay sa insidente, na nakatalaga umano bilang security ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang isa sa mga kasama sa shootout.
Biniberipika pa ang nasabing ulat dahil tikom ang bibig ng ilang opisyal mula sa dalawang ahensya lalo pa’t nag-isyu ng gag order si PNP Chief Gen. Debold Sinas upang maiwasan umano ang alitan.
NINJAS SA PDEA
Hindi rin isinasantabi ng chairman ng House committee on dangerous drugs na may mga tinaguriang “ninja” sa PDEA na siyang target ng operasyon ng mga pulis sa ‘buy-bust at sell-bust’ sa Commonwealth, Avenue, Quezon City na nauwi sa madugong engkuwentro.
“Oo posibleng-posible yan,” ani Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng nasabing komite nang tanungin ng SAKSI Ngayon kung may posibilidad bang may mga ninja sa PDEA.
Ito aniya ang isa sa mga titingnan sa imbestigasyon ng kanyang komite sa madugong engkuwento na ikinamatay ng dalawang pulis, isang ahente ng PDEA at isang informant.
Wala pang legal na report na nakuha ang mambabatas kung mayroong PDEA agent ang nangungupit ng drogang nahuli ng mga ito at saka ibebenta kundi “puro mga kuwento lang”.
Sa ngayon ay mayroong tinaguriang Ninja cops at marami na umano sa mga ito ang nahuli na at ang iba naman ay napatay sa operasyon ng kanilang mga kasamahan.
Base sa mga report, nagsasagawa umano ng buy-bust ang mga pulis sa parking lot ng isang fastfood chain sa tabi ng Ever Gotesco sa Commonwealth noong Miyerkoles ng hapon habang ang PDEA agents ay nagse-sell-bust operation naman.
Unang sinabi ni Barbers na bawal sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang sell-bust operation.
“If PDEA adopts “sell-bust” as its policy, then it would appear that this organization is like a drug syndicate for practicing and allowing drug trafficking,” ayon sa mambabatas.
Kapwa sinabi ng PNP at PDEA na mayroong koordinasyon ang mga ito sa nasabing operasyon subalit mistulang ayaw itong paniwalaan ni Barbers dahil kung totoo aniya ito ay hindi sana nauwi sa madugong engkuwentro.
SAKIT NG DROGA
“Sino ba talaga d’yan ‘yung talagang nanghuhuli at sino ‘yung involved sa droga? So, is it a misencounter between the Police and the PDEA? Or talagang hinahabol lang ba ang pusher? Or 1 of 2 of them is involved di ba?,” ang tanong naman na nais masagot ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano kapag nagsimula na ang imbestigasyon ng Kamara.
Kaya hindi umano dapat ipaubaya lamang sa PDEA at PNP ang pag-iimbestiga bagkus sa independent body dahil tiyak na pagdududahan ng mga tao anoman ang maging resulta ng kanilang imbestigasyon.
“Kasi malalim ‘to. Malalim ‘yan. Sintomas ‘yan ng mas malalim na sakit sa droga at law enforcement sa ating bansa,” ani Cayetano.
DRUG SYNDICATE
May hinala naman si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na napaglaruan ng sindikato ng droga ang mga operatiba ng PDEA at PNP.
“Sa suspetsa natin sana naman hindi ito ang totoong nangyari baka they are being played by syndicate. Sila na ang pinag-aaway. Baka diskarte ito ng sindikato,” saad ni dela Rosa.
Nanindigan naman ang senador na kapag ganito na ang sistema ng sindikato ay maituturing na epektibo ang kampanya laban sa droga dahil nasasaktan na ang mga ito.
Hindi rin naman inaalis ni dela Rosa ang anggulo na may tiwaling opisyal sa loob ng PDEA o PNP na maaaring sangkot sa ilegal na aktibidad.
“That is also one of the things I suspect. I’ve been an operative before and I’m familiar with such operations. That even if both sides claim they were doing legitimate buy-bust operations, I have suspicions that someone from, or somebody or one from each side is involved in selling,” pahayag ng senador.
Gayunman, sinabi ni dela Rosa na mas makabubuting hintayin na lamang ang kanilang pagdinig sa Martes, Marso 2 para malinawan ang insidente.
Samantala, tiwala si Senate President Pro Tempore Ralph G. Recto na madaling malalaman ng mga senador ang totoong dahilan sa barilan.
Ayon sa senador, bukod sa may karapatan ang Senado na mag-imbestiga sa nasabing insidente, magiging madali aniya na maungkat ang katotohanan sa naturang misencounter dahil sa dalawang miyembro ng Senado ang naging pinuno ng PNP sa katauhan nina Senador Panfilo Lacson at Senador Dela Rosa.
“An investigation is in order, as there have been alarming cases of friendly fire casualties of late—the Jolo killing of Army soldiers by policemen, to cite one. People are demanding answers on why a supposedly coordinated operation ended up as a circular firing squad,” dagdag pa nito.
IPINASA SA NBI
Ngayong Biyernes, inatasan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa insidente.
Ipinag-utos din ng pangulo sa binuong joint panel ng PNP at PDEA na itigil na ang isinasagawa ng mga itong imbestigasyon.
“This is to ensure impartiality on the Quezon City shootout incident,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Nabatid na inilagay na umano sa restrictive custody sa Camp Crame ang 10 pulis at pitong ahente ng PDEA na sangkot sa engkwentro.
Ang mga ito ay dinala sa custodial investigation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame subalit hindi pa matukoy kung mananatili sila roon ngayong ipinasa na ng pangulo sa NBI ang pag-iimbestiga.
BAYANI
Iginigiit pa rin ng mga ahente ng PDEA na lehitimo ang kanilang operasyon.
Katunayan, maituturing anilang bayani ang namatay nilang ahente na si Rankin B. Gano, 43-anyos.
Sa isang mensahe ni PDEA Spokesman Director Derrick Carreon sa mga mamamahayag, inilabas nito ang profile ni Agent Gano. “Para sa mga naghahanap ng profile ni (late) Agent Rankin Gano. Ito po. Patunay na siya ay talagang mandirigma at bayani.”
Nagpasya naman sina PNP chief P/General Debold Sinas at PDEA Director General Wilkins Villanueva na huwag na munang magsalita hangga’t hindi nakukumpleto ang imbestigasyon hinggil sa insidente pero sinabing sumunod sa tamang procedures ang kanilang mga tauhan.
Matapos ang engkuwentro ay kani-kanyang labas ng depensa at kapwa nagsabing may prior coordination o pre-operational plan, buy-bust money at mga asset sa operation ang dalawang kampo upang patunayan na lehitimo ang kani-kanilang tinatrabaho.
Subalit nang patahimikin sila para hindi makagulo sa imbestigasyon ay mas maraming anggulo ang hindi agad nalinawan gaya ng isyu ng coordination, buy-bust ba o sell-bust ang naganap, sino ang target, magkanong buy-bust money ang involved at dami ng droga na target bilhin, dahilan para pumasok na sa eksena ang NBI maging ang Senado at Kongreso.
Naniniwala naman ang hanay ng mga militanteng grupo na ang misencounter ang rurok ng kapalpakan ng madugong War on Drugs ng rehimeng Duterte.
Ayon sa Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK), “naniniwala rin kami na hindi sasapat at walang saysay ang isasagawang Joint Investigation ng PNP-PDEA sa naturang insidente, magreresulta lamang ito sa higit na pagtatago ng katotohanan at paghuhugas-kamay ng dalawang panig”.
Nanawagan din ang grupo na magtatag ng independent investigating body para bigyang-linaw ang publiko sa nangyaring madugong insidente at ang paggamit ng body camera ng lahat ng yunit ng law enforcement agencies sa kanilang mga operasyon. (DANG SAMSON-GARCIA/NOEL ABUEL/CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL)
