(Ni JOEL AMONGO)
Lalo pang hinigpitan ng Bureau of Customs (BOC) ang ipinatupad nitong seguridad laban sa pagpasok sa Pilipinas ng mga produktong karne mula sa mga bansang apektado ng African Swine Fever (ASF).
Ayon sa Customs, ang mga importers na may mga kaukulang clearances at permits mula sa mga opisina ng gobyerno na siyang binigyan ng pagkakataong mag-regulate at mag-monitor ng kaligtasan ng hangganan ng bansa ang maaaring umangkat ng mga karne mula sa ibang bansa.
Kabilang dito ang Department of Agriculture (DA), Bureau of Animal and Industry (BAI) at Food and Drugs Administration.
Dahil dito, lahat ng ports of entry ay patuloy na mino-monitor para sa kaligtasan ng mga hangganan ng bansa laban sa pagpasok ng mga kontaminadong karne partikular ang baboy na may ASF.
Tiniyak ng Customs sa publiko na patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga regulatory agencies ng gobyerno na tagapagpatupad ng mga polisiya kaugnay sa importation ban sa meat products ng DA.
Matatandaan, kamakailan ay kilu-kilong frozen meat ang nakumpiska ng Bureau of Customs Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) na nagmula sa ibang bansa at ipinasok sa nasabing pali¬paran para ibenta sa mga pamilihan.
