RAPIDO NI TULFO
NILINAW ni Limay, Bataan Mayor Richie David ang plano ng munisipyo na aayusin lamang ang pampublikong sementeryo sa bayan, at hindi gigibain.
Ito ay matapos lumabas ang mga maling impormasyon at naging sanhi ng kaguluhan at ‘di pagkakaintindihan sa mga kaanak ng mga nakalibing sa nasabing sementeryo.
Ayon kay David, lalagyan lamang ng mga kolumbaryo ang paligid ng sementeryo upang makapaglagay ng daanan.
Ang rehabilitasyon umano ay upang malinis ang sementeryo na ginawang tapunan ng mga basura, maging ng tinatapon na mga sanggol at ginagawa rin umanong lugar ng mga adik at motel ito.
Matagal na raw ang naturang plano at nagkaroon na ng mga konsultasyon sa mga kapitan ng iba’t ibang barangay at maging sa mga maaapektuhan.
Nilinaw ni David na walang bayad ang paglalagak ng mga buto sa kolumbaryo para sa mga maaapektuhan ng nasabing proyekto.
**
Bakit kaya napakatagal ng distribusyon ng balikbayan boxes na nakalagak pa ngayon sa Customs?
Nasa Department of Migrant Workers na ang deed of donation kaya nasa kanila na ang responsibilidad dito.
Tila ngayon palang nagpaplano ang DMW kung ano ang gagawin sa containers na naglalaman ng mga kahon.
Pero ang nakapagtataka ay sinabi na ni Dir. Jun Aguilar bago pa man mailabas ang deed of donation mula BOC, na may plano na sila?
Kung ganoon, ano kaya ang problema at natatagalan ang distribusyon ng mga kahon mula Kuwait?
