RAPIDO Ni PATRICK TULFO
MAY operasyon pala ng jueteng sa siyudad ng Mandaluyong ayon sa aking source. Ang mga nasa likod nito diumano ay isang aktibong pulis at isang opisyal sa city hall. Kalat daw ang impormasyong ito sa mga parukyano ng naturang laro.
Ang alam ko, mahigpit si Mayor Benjamin Abalos pagdating sa illegal na sugal kaya nakapagtataka na hindi pa nakaaabot sa kanya ang impormasyong ito, pero base sa pagkakilala kay Mayor Ben Abalos, kapag nalaman nito ang operasyon ng jueteng sa aming siyudad, siguradong mag-uutos ito ng agarang imbestigasyon at kapag napatunayan nito na mga taga-city hall din ang mga nasa likod nito, siguradong masisipa sa pwesto ang mga ito.
Pangit tingnan na mayroong jueteng sa siyudad ng Mandaluyong dahil dito matatagpuan ang opisina ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO. Ang PCSO ang nagpapatakbo ng STL o Small Town Lottery na ginawa upang labanan ang illegal na jueteng.
At hindi lang sa Mandaluyong City namamayagpag ang jueteng dahil ayon sa sumbong na natanggap natin, balik na raw ang lahat ng illegal na pasugalan tulad ng pergalan color game at drop ball sa buong Region 3.
Para daw bang tinapos lang ang “honeymoon stage” ni PBBM at pagkatapos ay “back with a vengeance” na ang mga ilegal na larong ito. At siyempre pa sa mga usaping ganito, hindi pwedeng hindi makakaladkad ang pangalan ng Regional Director ng nasabing rehiyon na si P/BGen. CESAR R. PASIWEN dahil ang palagiang tanong kapag may illegal sa isang rehiyon ay kung alam ba ng Provincial Director ito.
Nagsagutan sa ginanap na pagdinig ng Senado sa budget ng Department of Agriculture, sina Sen. Cynthia Villar at Sen. Raffy Tulfo ukol sa conversion ng daan-daang ektarya ng mga lupang sakahan sa subdivisions.
Kilalang mga developer ang pamilya ng senadora, na sinabing ang binibili lang nilang mga lupa ay ‘yung mga nasa siyudad at hindi sila bumibili ng mga lupang tinataniman sa mga probinsiya.
Ipinunto ni Sen. Tulfo na isang dahilan kung bakit kinukulang tayo sa bigas ay ang pagkawala ng mga taniman nito at isinusulong ngayon ang Land Use Act upang mapigilan na ang gawaing ito.
Totoo ang sinasabi ni Sen. Villar na ang binibili nilang mga lupa ay ‘yung mga nasa siyudad lamang pero ang hindi alam ng marami ay ang kanilang ginagawa upang mapilitan na ring ibenta ang mga katabing lupang sakahan sa kanila ng mga magsasakang may-ari nito.
Pinapatay nila ang irigasyon kaya napipilitan na ang ibang magsasaka na ibenta na rin ang kanilang mga lupang sinasaka. Ang isang halimbawa ng ganitong pangyayari ay naganap sa siyudad ng Malolos, Bulacan, ilang taon na ang nakararaan. Nakarating kay Mayor Christian Natividad ang ginawa ng Camella Homes sa irigasyon sa kanyang siyudad at ito na mismo ang nagbalik ng irigasyon sa pamamagitan ng pagmamaneho ng bulldozer.
304
