Senado ‘ginalaw na ang baso’ HOUSE PROSECUTORS: GAME NA

HANDANG-HANDA na ang prosecution panel ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa bakbakan sa Impeachment Court para litisin si Vice President Sara Duterte.

Ito ang binigyang-diin ng tagapagsalita ng Kamara na si Atty. Princess Abante kasabay ng pahayag na ikinatuwa ng Kamara na matapos ang apat na buwan ay ‘ginalaw na ng Senado ang baso’.

“Well, the House of Representatives welcome this development, ginalaw na po ang baso. Nakinig na po ang Senado sa mga pahayag, hindi lang ng Kamara kundi ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

At again, handa naman na po ang Congress o House of Representatives sa kanilang role sa impeachment trial,” ani Abante.

Lunes ng gabi ay nanumpa si Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer sa Impeachment trial laban kay Duterte at ngayong Miyerkoles ay babasahin na sa Impeachment Court ang 7 articles of impeachment.

Umapela rin si Abante sa mga senador na maging tapat sa Saligang Batas sa pagganap nila sa kanilang tungkulin na maging hukom sa impeachment court.

Ginawa ni Abante ang apela matapos maghain ng resolusyon si Sen. Robin Padilla na ibasura na ang Impeachment case dahil sa kakulangan umano ng oras para litisin ito lalo na’t hanggang June 30 na lamang ang buhay ng 19th Congress.

Manonood Si PBBM

Samantala, panonoorin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang magiging takbo ng impeachment trial sa Senado na magsisimula ngayong Miyerkoles, Hunyo 11, 2025.

“We are watching, of course, ” ayon sa Pangulo sa isang ambush interview matapos ang oathtaking ceremony ni bagong Associate Justice Raul Villanueva sa Kalayaan PBS, Malakanyang.

Nauna rito, sinabi ng Pangulo na bahala na ang Senado sa proseso at magiging takbo ng impeachment trial ng Bise-Presidente.

Sa kabilang dako, wala namang nakikitang kontrobersiya ang Pangulo na mula 19th Congress ay magpapatuloy ang impeachment trial sa 20th Congress.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

31

Related posts

Leave a Comment