SENADO, ‘ON-SCHEDULE’ SA 2021 BUDGET

TINIYAK ni Senate Committee on Finance Chairperson Sonny Angara na nakasusunod ang Senado sa tamang schedule para sa pagtalakay sa panukalang 2021 national budget upang matiyak na maisasabatas ito bago matapos ang taon.

Sinabi ni Angara na iisponsoran na niya sa plenaryo ng Senado sa Martes, November 10 ang panukalang budget upang masimulan na ang debate sa Miyerkoles.

Aminado ang senador na maraming amendments na ipinasok ang iba’t ibang sub-committee ng Finance Committee sa panukalang budget na malayo rin sa ipinasang General Appropriations Bill ng Kamara.

Gayunman, hindi pa masabi ng senador kung magiging madugo ang bicameral conference committee meeting subalit tiniyak na iisa ang naging direksyon ng mga pagbabago ng bawat mambabatas.

“Hindi ko naman masabi yun (madugong bicam) ahead of time dahil tinignan ko amendments ng house magaganda naman, meron silang dinagdag for virus, health facilities, talagang naka-focus sa health meron din sa mental health, yun din ang gusto ng ilan sa ating kasamahan so parang gusto magkaisa laban sa covid,” paliwanag ni Angara.

Tiniyak din ni Angara na matatapos nila ang panukalang budget bago matapos ang taon upang hindi magkaroon ng reenacted budget sa 2021.

“So far naman nasa schedule tayo, alam din ng mga senador at congressman ang time schedule natin halos taun-taon ganito naman, sa 2021 importante talaga additional budget sa health system at iba pang department na makatulong pati sa edukasyon, agrikultura, peace and order kailangan ng tulong,” saad ni Angara.

“Willing to work overtime ang ating mga kasamahan kaya itong darating na linggo ang session namin extended session na,” diin pa nito. (DANG SAMSON-GARCIA)

178

Related posts

Leave a Comment