SENADO WALANG DAHILAN PARA ‘DI ITULOY IMPEACHMENT TRIAL KAY VP SARA

WALANG dahilan sa ngayon ang Senado upang hindi ituloy ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang binigyang-diin ni Senate Spokesman Atty. Arnel Bañas sa gitna ng pahayag ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na bukas siya sa reconciliation sa mga Duterte.

Ipinaliwanag ni Bañas nasa hurisdiksyon na ngayon ng Senado ang reklamo at bilang pagtugon sa mandato ay obligado ang mga senador na dinggin ito.

Tulad ng naunang inanunsyo ni Senate President Chiz Escudero, sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa June 2, ay babasahin ng team of prosecutor ang articles of impeachment sa open session ng Senado.

Kinabukasan, alas-9 ng umaga ay magko-convene na ang impeachment court upang manumpa ang senator judges at simulan ang pagpapadala ng mga summons at iba pang kaugnay na kautusan.

“Nasa Senado na po ang bola. So kung anoman po ang magiging kadahilanan para hindi ituloy, ito po yung magiging desisyon po ng Senado ng Pilipinas,” pahayag ni Bañas.

Kinumpirma naman ng opisyal na siyam na boto lamang ng senator judges ang kailangan upang ma-acquit ang Bise Presidente.

Goodbye Impeachment

Kaugnay nito, hindi na mapapanagot si Vice President Sara Duterte sa mga kasong isinampa laban sa kanya kabilang na ang paglustay umano sa kanyang confidential funds na mahigit kalahating bilyong piso kapag naging Senate President (SP) si Senator-elect Imee Marcos.

Ito ang babala ni dating Bayan Muna party-list rep. Ferdinand Gaite matapos ianunsyo ni Sen. Marcos ang kanyang planong tumakbo bilang SP sa 20th Congress na itinuturing ng mambabatas na bahagi ng taktika ng mga Duterte para tuluyang ibasura ang impeachment case laban sa Pangalawang Pangulo.

“Goodbye impeachment na kapag ganito ang nangyari. Paano pa mapapanagot si Sara Duterte sa paglustay nya sa confidential funds,” ani Gaite.

“Tactically, this is a power play not just for control but also for protection. If Senator Marcos or a Duterte ally becomes Senate President, we can say goodbye to the possibility of Vice President Duterte facing impeachment or any form of accountability for her actions,” dagdag pa ng dating mambabatas.

Marami ang kumbinsido na si VP Duterte ang naging daan para magtagumpay si Sen. Marcos sa kanyang reelection bid matapos itong magpa-endorso sa Pangalawang Pangulo sa huling bahagi ng senatorial race.

Dahil dito, nabuo ang Imee Marcos-Duterte alliance sa Senado na mapanganib umano sa bansa dahil hindi mapapanagot ang mga nagkasala at umabuso sa kapangyarihan tulad ng Pangalawang Pangulo.

(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

69

Related posts

Leave a Comment