KUMBINSIDO si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na hindi kayang gawin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang banta nitong ipakukulong ang mga senador sa gitna pa rin ng pagpapatuloy na imbestigasyon sa sinasabing anomalya sa deal ng Pharmally sa gobyerno.
“Alam naman natin na hindi gagawin at hindi pwedeng gawin ng pangulo na ipaaresto at ipakulong ang kahit sinong tao, senador man o hindi,” pahayag ni Lacson.
Binigyang-diin ng senador na tanging korte ang maaaring magpalabas ng warrant of arrest laban sa sinomang tao na may paglabag sa batas.
Idinagdag pa ni Lacson na maging sa Rule 113, Section 5 ng Rules of Court o mas kilala sa tawag na “citizen’s arrest” ay may mga malinaw na sirkumstansya.
Muli namang pinaalalahanan ni Senador Kiko Pangilinan si Pangulong Duterte na huwag pagtakpan ang mga gumagawa ng kalokohan sa gobyerno.
“Yung masama ang asta at mas masahol pa sa hayop ang mga kilos at yung kinurakot yung bilyong pisong pondo para sa Covid ng mga naka Lamborghini at Porsche na mga kaibigan ng pangulo habang milyon ang nagkakasakit at nagugutom at libu-libo ang namamatay. Huwag pagtakpan at huwag nililihis ang usapin,’ saad ni Pangilinan.
Nagtataka naman si Senador Richard Gordon kung ano ang ikinatatakot ni Pangulong Duterte sa kanilang mga senador.
“What are you afraid of, Mr. President? The President’s incessant and vicious attacks on me can only be interpreted that he is so afraid that the Senate investigation will reach the doors of his official residence once we release our partial interim report,” saad ni Gordon.
Idinagdag pa nito na hindi nila papayagan na maapektuhan sila ng mga pananakot na ito ng pangulo.
“I cannot, however, allow you to intimidate me or anyone of us. When you threaten to harm any member of the Senate in our performance of our sworn duties, you attack and undermine the Senate as an institution mandated to check your excesses and abuses. Unlike you, we owe our loyalty to the Filipino people who trust us,” dagdag ng senador.
Banta pagbaba
sa Senado
Sa kanyang Talk to the People, Miyerkoles ng gabi, muling inihayag ni Pangulong Duterte ang kanyang pagkadismaya sa mga senador na kabahagi ng imbestigasyon sa COVID-19 supplies procurement ng gobyerno.
Inakusahan din niya si Senador Gordon ng pang-aabuso sa mga tao habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Senado sa naturang usapin.
Binalaan nito ang senador na bantayan ang sarili dahil hindi siya magpakailanman magiging senador.
Sinabi rin niya sa mga senador na tila nakakalimutan na ng mga ito ang “layunin” ng kanilang trabaho.
Hindi umano niya nagustuhan ang pagsigaw ng mga senador sa mga resource person.
“Itong mga aid of legislation, lawmaking power ninyo, it does not include berating at people, shouting at people, forgetting the civility that has to be observed by everybody in and out of investigation,” ani Pangulong Duterte.
Pagkatapos nito ay binalaan niya si Gordon, nangunguna sa Senate probe, na mayroon aniyang araw ng pagtutuos para sa mambabatas.
“You know Gordon, ayaw ko lang magyabang pero remember you will not be a senator all the time. Hindi naman tinatakot pero bantay ka sa mga tao na pinag-aabuso mo dahil darating din ang panahon para sa iyo,” aniya pa rin. (DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)
179 