Senador tumakbo sa Supreme Court CIDG: HANDANG ARESTUHIN SI BATO KUNG MAY ICC WARRANT

INIHAYAG ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Police Maj. Gen. Robert Alexander Morico II na wala pa silang natatanggap na anomang dokumento o warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Gayunman, tiniyak ni Morico na handa silang tumulong sakaling ipasagawa sa kanila ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP).

“Kung sakaling makatanggap kami ng kopya ng warrant of arrest ng ICC, handa kaming isilbi. Bahagi ng aming mandato ang imbestigahan at arestuhin ang mga inaakusahan ng krimen,” pahayag ni Morico.

Nauna nang sinabi ni Justice Secretary at dating Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa kanyang lingguhang radio program na lumabas na umano ang warrant ng ICC laban kay Dela Rosa kaugnay ng kasong Crimes against Humanity dahil sa “war on drugs” ng administrasyong Duterte.

Matatandaang si Dela Rosa ang PNP Chief nang ipatupad ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrobersyal at madugong kampanya kontra ilegal na droga na umani ng batikos sa loob at labas ng bansa.

Kaugnay nito, nagpasaklolo na sa Korte Suprema si Dela Rosa upang pigilan ang gobyerno na makipagtulungan sa ICC kaugnay ng umano’y warrant of arrest laban sa kanya.

Sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Israelito Torreon, naghain si Dela Rosa ng very urgent manifestation na humihiling ng agarang pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa anumang hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may kinalaman sa pagpapatupad ng arrest order mula sa ICC.

Kasama rin sa kanyang hiling na ilabas ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang sinasabing kopya ng ICC warrant at ipaliwanag kung paano at kanino niya ito nakuha.

Ang impormasyon hinggil sa umano’y arrest order ay unang binanggit ni Remulla sa kanyang lingguhang radio program, bagaman nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na wala pa silang natatanggap na opisyal na dokumento mula sa ICC.

Hiniling din ng kampo ni Dela Rosa na atasan ang DOJ at Department of Foreign Affairs (DFA) na magsumite ng nakasulat na sertipikasyon sa loob ng 72 oras upang kumpirmahin o pabulaanan kung may natanggap o naipadalang warrant mula sa international tribunal.

Ang manifestation ni Dela Rosa ay kaugnay ng una niyang petisyon, na inihain kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na layong pigilan ang patuloy na kooperasyon ng Marcos administration sa ICC sa imbestigasyon sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

(TOTO NABAJA/JULIET PACOT)

46

Related posts

Leave a Comment