TARGET ni KA REX CAYANONG
MASASABING isang magandang halimbawa ng tunay na paglilingkod-bayan ang ipinamalas ni 4K Party-list Representative Iris Montes sa kanyang matagumpay na pakikibahagi sa Executive Course on Legislation na isinagawa noong Hulyo 7-9.
Nabatid na ang programang ito ay inorganisa ng House of Representatives katuwang ang University of the Philippines – National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG), at layuning hubugin ang mga bagong miyembro ng 20th Congress upang maging mahusay na mga mambabatas.
Sa kabila ng kanyang higit tatlong dekadang karanasan bilang Chief of Staff ng iba’t ibang kongresista—isang posisyong nangangailangan ng malawak na kaalaman sa proseso ng paggawa ng batas—hindi nag-atubiling sumabak si Rep. Montes sa nasabing training.
Aba’y isang patunay ito ng kanyang pagpapakumbaba, pagiging bukas sa patuloy na pagkatuto, at tunay na malasakit sa kapakanan ng mga taong kanyang pinaglilingkuran.
Sa ating pulitika, kadalasang inaasahan na ang mga may malawak nang karanasan ay hindi na kailangang dumaan sa mga ganitong kurso.
Subalit iba si Rep. Montes—mas pinili niyang mag-aral, makinig, at makibahagi upang higit pang mapabuti ang kanyang serbisyo.
Isa siyang lider na hindi natatakot kilalanin na ang mabisang pamumuno ay nagsisimula sa pagiging mag-aaral.
Hindi madali ang gawain ng isang mambabatas.
Bukod sa paggawa ng mga panukalang batas, kailangan ding tiyakin na ito ay makatao, makabuluhan, at tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.
Kaya naman, mahalaga ang mga programang gaya ng Executive Course on Legislation, na nagsisilbing plataporma upang mapaunlad ang kaalaman at kakayahan ng ating mga halal na opisyal.
At mas mahalaga, ito’y dapat tanggapin nang may bukas na puso—gaya ng ginawa ni Rep. Montes.
Sa huli, ang tagumpay ng isang mambabatas ay hindi lamang nasusukat sa dami ng kanyang naipasa o sinuportahang batas.
Nasusukat ito sa kahandaan niyang makinig, matuto, at magpakumbaba—mga katangiang malinaw na taglay ni Representative Iris Montes.
Nawa’y magsilbi siyang inspirasyon sa marami pang lingkod-bayan na ang tunay na lakas ay nasa pagiging mapagkumbaba at bukas sa pag-unlad.
