TULOY sa pagkalap ng ebidensya ang Department of Justice (DOJ) kahit pa manahimik ang pamilya ng mga nawawalang sabungero.
Sa isang press briefing, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hindi lang nakaasa ang kaso sa pamilya ng biktima dahil interes na ito ng bansa at taumbayan.
Paliwanag ni Remulla, hindi magkakaroon ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan kung may sistema na may mistulang panginoon na nagdedesisyon kung sino ang mabubuhay at mamamatay.
Base sa ilang impormasyon, may mga pamilyang umatras sa kaso sa hinalang nabayaran, habang sinabi naman ni Remulla na mayroon ding mga bagong nagkakainteres sa kaso.
Sa kabila nito, tiniyak ni Remulla na hindi sila mapipigilan sa paghabol sa interes ng bansa.
Samantala, iginiit ng kalihim na ‘di pwedeng “bara-bara” sa kaso ng mga sabungero.
Nangako ang kalihim na magiging masusi ang imbestigasyon, hindi aniya katanggap-tanggap ang “bara-bara” o padalus-dalos.
Dagdag pa niya, bagama’t mahalaga ang reklamo ng mga pamilya, mas matimbang ang interes ng estado sa paghatid ng hustisya at pagpapanatili ng kaayusan para sa interes ng buong sambayanan.
Hindi pa Star Witness
Samantala, kinumpirma ng DOJ na hindi pa rin itinuturing na “star witness” o pangunahing testigo si Julie Patidongan, alyas Totoy.
Sa isang ambush interview kay DOJ Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, sinabi nito na nananatiling suspek si alyas Totoy hangga’t hindi tinatanggap ng Witness Protection Program (WPP) ang aplikasyon nito.
Sa paglilinaw ni Fadullon, lahat ng pahayag ni alyas Totoy ay sumasailalim pa sa evaluation at validation ng mga awtoridad.
Sinabi pa nito na wala pa rin affidavit si alyas Totoy at sa ngayon ay isasalang pa rin sa evaluation ang mga pahayag niya.
Kaugnay nito, itinanggi ni retired Police Lieutenant General Jonnel Estomo ang mga paratang ni alyas Totoy kaugnay ng kanya umanong pagkakasangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
