SESYON SA KONGRESO HYBRID PA RIN

HINDI pa rin isandaang porsyento ang operasyon ng mababang kapulungan ng Kongreso sa pagbabalik ng mga ito sa kanilang regular session simula ngayong araw dahil nananatiling mataas ang banta ng COVID-19.

Ito ang nabatid kay House Speaker Lord Allan Velasco kaya tulad ng nakaraan ay “hybrid” o idadaan sa zoom ang session at ilan lang ang papayagang dumalo sa aktuwal na trabaho sa plenaryo ng Kapulungan.

“Gusto ko sanang bumalik na tayo sa pre-pandemic eh kaya lang ang problem is talaga, kitang-kita naman natin na medyo nakakatakot itong COVID-19 kaya I’m still looking itong hybrid na way pa rin natin in conducting business,” ani Velasco.

Mula noong nakaraang taon ay nilimitahan ang bilang ng mga congressman na dumadalo sa session sa plenaryo ng Kamara upang maiwasang magkahawaan ng COVID-19.

Hindi tumataas sa 25 congressmen ang pinapayagang dumalo nang personal sa session ng Kamara at sumasali na lamang sa trabaho ang mayorya sa mga ito sa zoom.

Maging ang mga empleyado ng Kapulungan ay nilimitahan ang bilang at pinayagan ang mayorya sa mga ito na mag-work from home habang ang mga pumapasok ay inoobligang magpa-antigen test muna.

“Medyo mahirap (ang hybrid) pero I see naman that the legislative mills still continue to run so lets keep that way muna so that we can protect the members and employees, staff of Congress,” ani Velasco.

Ang Kongreso ay mayroon lamang natitirang tatlong linggo o 9 sessions bago mag-sine die sa Hunyo 4 kasabay ng pagsasara ng second regular session ng 18th Congress at babalik ang mga ito sa Hulyo 26, 2021 para buksan naman ang 3rd regular session kasabay ng huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ilan sa target ng Kongreso na maipasa sa huling tatlong linggong sesyon ang Bayanihan 3, economic Charter change at iba pa. (BERNARD TAGUINOD)

101

Related posts

Leave a Comment