SHABU SA PAMPANGA KAYANG IPANALO DRUG LORDS SA ELEKSYON

SAPAT na ang halaga ng shabu na nakumpiska sa Pampanga at Manila International Container Port (MICP) para pondohan at maipanalo ang kandidatura ng mga drug lord.

Ito ang tinuran ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers sa pagsisimula ng pagdinig ukol sa 1.3 tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng P30 billion na nakumpiska sa Pampanga at MICT.

“This amount can most definitely finance the elections and victory of drug lords in our political arena. Such war chest is even enough to fund a presidential campaign,” ayon sa opening statement ni Barbers.

Magugunita na nakakumpiska ang National Bureau of Investigation (NBI) ng 200 kilo ng shabu na inabandona sa isang mall sa Mabalacat, Pampanga noong Agosto 25 habang noong Setyembre 24 ay 560 kilos naman ang nabawi sa bayan ng Mexico sa Pampanga pa rin at noong October 4 ay 323 kilos naman ang natuklasan sa MICP.

Lubha aniyang nakababahala ito dahil patunay lamang na balik sa dating gawi ang mga drug lord na tila nagpahinga lamang noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“We will thresh out the whys and hows our country continues to be the favorite destination of illegal drugs and who are the big personalities or even bigger entities behind these shipments to flood us with these contrabands with fictitious and non-existent consignees,” ayon sa mambabatas.

Habang isinusulat ito ay nagsasagawa ng executive session ang komite base sa kahilingan ng mga kinatawan ng NBI dahil marami umanong impormasyon ang hindi nila maaaring isiwalat sa isang open investigation na pinagbigyan ni Barbers.

Subalit bago ito, nabunyag na isang Willy Ong ang nagpatayo at may-ari ng bodega sa Mexico, Pampanga kung saan nakumpiska ang 560 kilos ng shabu kaya isa ito sa inimbitahan sa nasabing pagdinig subalit hindi nakarating.

Dahil dito, nag-isyu na ng subpoena ang komite laban kay Ong at iba pang personalidad sa susunod na pagdinig.

(BERNARD TAGUINOD)

322

Related posts

Leave a Comment