Maaga ngayong nagsimula ang sikuhan o “lobbying” sa pagkuha ng chairmanships sa mga malalaking committee sa Senado. Ito ang ibinunyag kahanpon ni Senate Majority Leader Migz Zubiri sa mga reporter na nakabase sa Senate.
“Grabe na ‘yung lobbying ngayon, there’s a lot of jockeying for posts,” aniya.
Ayon pa kay Zubiri, ilang committee chairmanships ang napagdesisyunan na pero tumanggi itong pangalanan kung sinong senador ang nakakuha ng partikular na komite.
Ang ilan umano sa mga pinag-aagawang komite sa Senado ay ang Finance, Justice, Blue Ribbon, Health at Education.
Dahil sa “equity of the incumbent rule,” mananatili kay Sen. Richard Gordon ang Blue Ribbon Committee.
Ang Finance Committee naman ay malamang na mapunta kay Sen. Sonny Angara.
Samantala, nagpahayag naman ng interes sa Health Committee si Senator-elect Bong Go at posibleng pagbigyan ng mayorya ang hiling nito.
Ang incoming senator din na si Ronald “Bato” Dela Rosa ay posibleng pamunuan ang Committee on Public Order.
