(BERNARD TAGUINOD)
TALO ang taumbayan sa nagpapatuloy na bangayan para sa pinakamataas na posisyon sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ito ang lumilitaw base sa pagkastigo ng mga militanteng mambabatas kina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco dahil nawalan umano ng pagkakataon ang mamamayan na mabusisi nang husto ang pambansang pondo dahil sa kanilang agawan sa speakership.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, halos lahat ng malalaking ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Education, (DepEd), Department of Transportation (DOTr),
Department of Agrarian Reform (DAR) ay hindi na nabusisi nang husto ang pondo matapos ang biglang pag-apruba sa ikalawang pagbasa sa House Bill (HB) 7727 o General Appropration Bill (GAB) na naghahalaga ng P4.506 trillion.
“Sinagasaan at nasakripisyo ang pagbusisi sa budget ng mga naiiwan pang mga ahensya katulad ng DepEd, DOH, DOTr, DAR at iba pa dahil sa awayan sa speakership ng mga kampo ni Speaker Alan Peter Cayetano, na gustong manatili sa posisyon at ni Rep. Lord Allan Velasco, na gusto namang maluklok na sa posisyon,” ayon kay Zarate.
Dismayado rin si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa nangyari dahil maging ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay hindi na nabusisi dahil sa hidwaan ng dalawa sa trono sa Kamara.
“Pinagkaitan ang mamamayan na matanong ang gobyernong Duterte sa kawalan ng programang ayuda sa susunod na taon dahil bokya ang social amelioration sa DSWD,” ani Brosas.
Nawalan din umano ng pagkakataon ang mamamayan na magtanong hinggil sa halos P400 billion sa DPWH na hindi idinetalye kung saan-saan gagamitin.
“This ugly and shameless jostling for the Speakership, which equates to dictating pork sums for the pre-election year, fixing key House appointments, and a leveraged political exposure in the run-
up to the elections, springs chiefly from Malacanang’s brokering and blessing of a term-sharing deal among Speaker Cayetano and Rep. Velasco,” ayon pa kay Brosas.
Dahil dito, naniniwala si Zarate na walang ibang panalo sa hidwaan nina Cayetano at Velasco kundi ang Malacañang.
“Kinokondena natin ang pagratsadang ito dahil walang ibang mas higit na makikinabang dito kundi ang Malacañang at ang administrasyong Duterte na nagtutulak pa rin ng budget na militarista, pasista at hitik sa pork barrel,” ayon pa kay Zarate.
TIME’S UP – VELASCO
Naniniwala si Marinduque Rep. Lord Alan Velasco na hindi na pinagkakatiwalaan ng mga kongresista si Speaker Alan Cayetano kaya naging desperado na ito at inaprubahan sa ikalawang pagbasa ang 2021 national budget kasabay ng pagsuspinde sa sesyon ng Kapulungan hanggang Nobyembre 16.
Sa isang statement kamakalawa ng gabi, sinabi ni Velasco na walang ibang motibo sa ginawa ni Cayetano kundi para mangunyapit pa ito sa kanyang posisyon lalo na’t alam nito na wala na siyang puwersa.
“Because of Speaker Cayetano’s desperate attempt to stay in power, he has bastardized the institution we swore to protect and respect and committed serious violations of the Constitution to save himself,” ani Velasco na lider ng PDP-Laban sa Kamara.
Mismong si Cayetano umano ang sumira sa kanyang pangako na maging transparent ito sa pagpapatibay sa pambansang pondo nang agad nitong pinatapos ang deliberasyon at pagtibayin ito sa pangalawang pagbasa.
Sa Oktubre 17 pa dapat magbabakasyon ang Kongreso na magtatagal hanggang Nobyembre 16 kaya naghahanda ang kampo ni Velasco para simulan ang pamumuno sa Kamara sa Oktubre 14.
Gayunpaman, hindi na ito mangyayari dahil suspendido ang sesyon ng Kamara at walang magaganap na palitan ng liderato nang walang trabaho sa plenaryo.
“He knows very well that he no longer enjoys the trust and confidence of House members. This caper is the last nail to his coffin. Speaker Cayetano, your time is up,” dagdag pa nito.
Pagsuway din umano kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nagbroker sa term-sharing agreement ang naging aksyon ni Cayetano.
ATAT KA – CAYETANO
Pinabulaanan naman ni Cayetano ang alegasyon ni Velasco na wala siyang puwersa dahil napatunayan umano ito noong Setyembre 30 nang ibasura ng 187 congressmen ang kanyang pagre-resign bilang Speaker.
“Si Congressman Velasco, you are free to campaign, you are free na manira, you are free na mag-absent, you are free na mag-present, once you have the numbers, dont worry I will step aside, but saying you have the numbers and having the numbers are two different things.
I offer to resign, you saw the numbers.
Sa dami ng umakyat ng opisina ko ngayon at nag-message ng suporta, mukhang nadagdagan pa,” ani Cayetano.
“Kung sumunod lang siya sa usapan na November ang palitan, kung marunong lang siyang magbilang na hanggang October po talaga ako, wala sanang problema.
Pero masyadong atat na pumunta rito, wala namang may akalain ng COVID,” dagdag ni Cayetano.
