AKSYON NG KONGRESO PAGSUWAY KAY DUTERTE

WALANG kagatul-gatol na sinabi ng mismong pangulo ng Senado na sinuway ni Speaker Alan Peter Cayetano si Pangulong Rodrigo Duterte sa “mabilis” na pagpasa ng panukalang badyet ng pambansang pamahalaan para sa 2021.

Ani Senate President Vicente Sotto III na sa pamumuno ni Cayetano, “The HOR (House of Representatives) has just disregarded the request priority of the President to pass the budget.”
Kamakalawa, lumabas sa media na hindi payag si Duterte sa “reenacted budget.”

Ibig sabihin nito, ang gagamiting badyet ng pambansang pamahalaan ay ang P4.1 trilyong badyet ngayong 2020.

“There is no way we can finish the budget if it is not submitted to us before the mandated break after Oct. 14,” banggit ni Sotto.

“Do not blame us!,” aniya pa.

Ang pahayag ni Sotto ay tungkol sa biglaang desisyon ng Kamara de Representante nitong Martes na suspendehin ang sesyon hanggang sa Nobyembre.

Matapos ipasa ng mayorya ng mga kongresista sa ikalawang pagbasa ang panukalang P4.5 trilyong badyet ay inaprubahan din nila ang mosyon ni Cayetano na isuspendi na ang sesyon ng Kamara.

Maraming nagulat sa bara-barang desisyon ni Cayetano.

Sa panahong suspendido ang sesyon ng Kamara ay mananatiling speaker pa rin si Cayetano.

Ito ay pagbalewala sa kasunduang bababa sa puwesto si Cayetano sa Oktubre 14 at uupong speaker si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Ang Oktubre 14 ay siyang petsang napagkasunduan nina Cayetano at Velasco sa harapan mismo ni Duterte nitong Setyembre 29.

Sabi ni Manila Rep. Jose “Lito” Atienza Jr., dapat bitiwan ni Cayetano ang pagiging speaker sa Oktubre 14.

Dahil sa Nobyembre ang pagbubukas ng sesyon ng Kamara, si Cayetano ay mananatiling speaker hanggang sa kanyang ika-50 taong kaarawan sa Oktubre 28. (NELSON S. BADILLA)

207

Related posts

Leave a Comment