ILANG kalalakihan ang naaktuhan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nagtatambak ng basura sa mga lansangan mula sa isang cargo truck sa Tondo.
Kinilala ang mga naaresto na sina Pablo Fajardo, 60, at Jake Aguilar, 24, habang iniimbestigahan din si Edgar Alde, 58, isang junk shop owner na residente ng Aroma Compound, Barangay 105 Zone 8, Tondo, Manila na umanoy may ari ng industrial truck na ginamit sa pagkakalat ng basura.
Base sa ulat ng PNP-MPD Manila City Hall Task Force (MCHTF), isang reklamo mula sa Department of Public Services (DPS) ang kanilang natanggap hinggil sa ilegal na pagtatambak ng basura.
Ang reklamo ay may video evidence na nagpapakita ng isang industrial truck na may plate number RJY 899 na sadyang nagtatapon ng basura sa gilid ng kalsada.
Agad na tumugon ang MCHTF at natukoy ang may-ari ng trak na si Alde na umaming tauhan niya sina Fajardo at Aguilar.
Ang industrial truck ay agad na ini-impound sa Central Impounding Station ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
Ang dalawang nahuli sa pagtatambak ng basura ay sinampahan naman ng reklamo sa Office of the City Prosecutor dahil sa paglabag sa R.A. 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000).
“Kita nyo na! Sadyang may nananabotahe sa Maynila,” ito ang buwelta ni Manila Public Information Office Chief, Atty. Princess Abante matapos mahuli ang mga suspek.
“Tinitiyak nating hindi palalampasin ang ganitong mga insidente. Hindi natin hahayaang sirain ng sinuman ang imahe ng Maynila,” ani Atty. Abante.
Sa gitna ng insidente, lumalakas ang paniniwalang may mga grupo o indibidwal na intensyunal na nagtatapon ng basura para siraan ang administrasyon ni Mayor Honey Lacuna.
Ayon sa Manila City Hall, pinaigting na nito ang imbestigasyon para matukoy kung may mas malalaking grupong nasa likod ng ganitong aktibidad.
Para sa karagdagang impormasyon, inaanyayahan ang publiko na magbigay ng anumang ebidensya o impormasyon na makakatulong sa imbestigasyon, maaaring magtext o tumawag sa numero ng Department of Public Services 5310-1232. (JESSE KABEL RUIZ)
1