“PRESIDENT Marcos should not interfere with the impeachment process”.
Ito ang pahayag ng isa sa mga endorser sa pangalawang impeachment case na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte na si House deputy minority leader France Castro.
Kamakalawa, muling pinanindigan ni Marcos na wala pa sa panahon ang pagpapa-impeach sa Pangalawang Pangulo na itinuturing ni Castro na pakikialam at pag-iimpluwensya sa mga mambabatas sa Kamara.
“Congress has a constitutional duty to process this case immediately. The people deserve accountability and transparency,” ayon sa mambabatas.
Sinabi naman ni dating congressman Antonio Tinio na hindi dapat idahilan ang teknikalidad at kawalan ng oras dahil sa gaganaping eleksyon para ipagpaliban o hindi ituloy ang pagpapa-impeach kay Duterte.
“Sa ganyang pag-iisip ay lalong lumalala ang korapsyon sa bansa at lalong natutuwa ang mga corrupt. When we dismiss accountability for technical reasons, we only embolden corrupt officials and weaken democratic institutions,” ani Tinio.
Ngayong linggo ay malalaman kung maisasampa ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Duterte na ayon kay House secretary general Reginald Velasco ay ieendorso umano ng 12 congressmen mula sa minority at majority bloc.
Dahil dito, umapela ang mambabatas sa kanyang mga kasamahan na huwag magpa-impluwensya kay Marcos at gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin na panagutin ang mga nagkasala sa bayan.
“Kung makukuha agad ang 103 endorsers next week ay agad na maipapasa ito sa Senado at ‘di na poproblemahin ang bilang o pag-attend ng mga congressmen dahil Senado na bahala dito,” ayon pa kay Castro. (BERNARD TAGUINOD)
