RAPIDO ni PATRICK TULFO
ILANG reklamo na ang natanggap ng Rapido tungkol sa pang-iiskam ng ilang sindikato gamit ang Tiktok Shop at ang J&T delivery.
Marami na ang nagrereklamo noon pa laban sa Shopee at Lazada kung saan iba ang dumarating na item kaysa kanilang totoong inorder.
Hindi pa man ito tuluyang nasasawata ng mga awtoridad, napasok na rin ng mga sindikato ang isa sa mga pinakamurang online shopping app ngayon, ang Tiktok shop.
Ayon sa mga reklamo, bigla na lang may dumarating na parcel kahit hindi nila inorder. Matapos mabayaran at maideklarang successful ang delivery, makikita umanong kung ano-ano lamang ang laman ng parcel.
Hindi umano umorder ang nagrereklamo sa Tiktok Shop kaya nagulat siyang meron siyang delivery. Ang pagkakamali lang umano niya ay hindi muna siya nag-check sa kanyang app bago paalisin ang delivery rider.
Marami pa ang nabiktima ng sindikatong ito. Ginagamit nila ang record ng kanilang mga parokyano upang makapanloko.
Payo sa mga tumatangkilik ng mga online shopping app, i-check muna ang delivery sa inyong app bago tanggapin ang parcel o kaya’y buksan sa harap ng rider kung ito nga ay inyong order, nang sa gayun ay madeklara itong unsuccessful sakaling hindi niyo ito order.
Sa ganitong paraan ay maiiwasan n’yong maging biktima ng scammer at wala ring maloloko ang mga ito.
I-report dapat sa mga kinauukulan tulad ng DTI o SEC, kapag ilang ulit na kayong nakatatanggap ng maling order mula sa isang shop.
Maaaring ipasara at pagmultahin ng mga ahensya ang mga nagnenegosyo upang makapanloko.
Maging maingat at magduda para hindi mabiktima.
76 